Ang walang humpay na paglaban ng Barangay Ekserya
Matagal nang ipinaglalaban ng mga residente sa Ekserya, isang barangay sa Negros, ang kanilang karapatan para sa lupa sa gitna ng matitinding kampanyang panunupil sa isla. Patuloy nilang ipinagtatanggol ang kanilang mga tagumpay, katulong ang sangay ng Partido sa lokalidad at ng milisyang bayan.
Isa si Kasamang Dereba sa mga nakasaksi sa pag-usbong ng rebolusyonaryong kilusan sa baryo noong 1983. Sinalaysay niya ang pagsisimula nito at mabilis na pagkakaisa ng mga residente. Aniya, mabilis na naintindihan at naisabuhay ng mamamayan dito ang mga pagpapahalaga at prinsipyo ng rebolusyon. Maagap din nilang nailunsad ang kanilang mga pakikibakang masa laban sa mga despotikong panginoong maylupa sa lugar. Sa simula, nakasentro ang kanilang pakikibaka sa pagpapababa ng upa sa lupa. Sa kalaunan, naipagtagumpay nila ang pagkakaroon ng sariling lupa nang hindi na nagbabahagi ng ani sa panginoong maylupa.
Salaysay ni Ka Dereba, kasabay ang baryo sa mga liko’t ikot na dinanas ng rebolusyon. Noong dekada 1980, dumanas ito ng mga problema dulot ng mga kamalian at kahinaan sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Sa pagitan ng 1985 hanggang 1992, nagtamo rin ito ng mga pag-atras. Sa panahong ito, dumanas ang mga residente at mga kasama ng matitinding kahirapan. Sinamantala ng mga panginoong maylupa ang kalituhan sa hanay ng mga kadre at mababang moral ng mga kasapi sa Partido at mamamayan para muling maghari-harian. Tumindi ang militarisasyon at pamamaslang.
Matapos manawagan ang Partido para pagtibayin ang batayang prinsipyo at pagwawasto ng mga kamalian, nagsimula ang rekonstruksyon ng baseng masa sa Negros. Noong kalagitnaan ng dekada 1990, nagsimula ang mga kampanyang masa laban sa pagmimina at pangangamkam ng lupa sa Ekserya. Sa simula, 500 residente ang kumilos sa kampanya.
Mula rito, itinayo ang sangay ng Partido para ipatupad ang mga tungkulin sa ilalim ng kilusang pagwawasto. Itinayo nito ang mga grupo ng Partido at komite at pinabilis ang rekrutment sa Bagong Hukbong Bayan. Sinaklaw ng lokal na sangay ng Partido ang 300 pamilya.
Sa gitna nito, walang lubay ang pang-aatake ng reaksyunaryong estado. Natatandaan pa ni Ka Dereba kung paano nanalasa ang Oplan Bantay Laya ng rehimeng US-Arroyo at ang Oplan Bayanihan ng US-Aquino. Kasabay ng matitinding operasyong militar ang mga pang-aabuso ng sundalo, pamamaslang, pang-aaresto, panggigipit at iba pang paglabag sa karapatang-tao. Hindi ininda at inigpawan itong lahat ng mamamayan ng Ekserya.
Mahigpit na pinanghawakan ng organisasyon, katuwang ang milisyang bayan, ang pagtiyak sa seguridad ng mga residente ng baryo. Naglunsad sila ng mga aksyong militar bilang aktibong depensa laban sa kaaway, at bilang suporta rin sa mga taktikal na opensiba ng Bagong Hukbong Bayan. Pinagana ng sangay ang mga komite ng mga ganap na samahang masa, partikular ang komite sa produksyon. Pinakinabangan ng komunidad ang ani ng kanilang mga kolektibong sakahan. Regular silang nakapagpapadala ng suporta sa mga Pulang mandirigma.
Sa ngayon, ipinailalim ni Duterte ang Negros sa de facto na batas militar. Sa harap nito, patuloy ang pagtatanggol ng Ekserya sa kanilang lupa at nakamit nang mga tagumpay ng mga residente nito. Patuloy na gumagana nang nagsasarili ang lokal na sangay ng Partido. Sa gayon, nakatutulong sila sa pagsusulong sa komprehensibong gawain ng BHB sa lugar.