Baryo sa Samar, binomba ng militar

,

NAGHULOG NG TATLONG bombang tig-227 kilo ang mga eroplanong FA-50 ng Philippine Air Force sa Barangay Caputoan, Las Navas, Northern Samar noong Oktubre 26, alas-6 ng umaga.

Ihinulog ang mga bomba isang kilometro lamang ang layo mula sa sentro ng barangay. Winasak ng mga ito ang mga sakahan ng hindi bababa sa 13 pamilya, gayundin ang kanilang mga bahay, mga inaning palay at iba pang ari-arian. Ang operasyon ay iniutos ng Joint Task Force Storm ng Armed Forces of the Philippines Central Command at 8th ID.

Matapos ang pambobomba, dumating ang mga helikopter at walang habas na pinaputukan ang lugar. Ipinagmayabang pa ng 8th ID ang kinuha nilang larawan ng lugar na binomba kung saan makikita ang nyugan at bahay ng sibilyan. Pinamumunuan ni MGen Pio Diñoso ang berdugong 8th ID.

Dahil dito, napilitang lumikas ang mahigit 24 pamilya at nagpakanlong sa Barangay L. Empon at Barangay Paco. Ang ilan pa ay lumikas patungong sentrong bayan. Ayon sa mga residente, mahigit 140 sundalo ang umaaligid sa kanilang baryo at naglulunsad ng matinding operasyong militar. Bahagi ito ng kabuuang 500-kataong pwersa ng 20th IB at 81st Recon Coy na humahalihaw sa lugar. Pinagbabawalan din ang mga magsasaka na pumunta sa kanilang mga sakahang sinalanta ng mga operasyon. Umaabot na ng isang buwan ang operasyon ng 8th ID na tinatayang nagwaldas na ng P6 milyong pondo ng bayan.

Baryo sa Samar, binomba ng militar