Buhay na demokrasya sa pagresolba sa mga tunggalian ng mga tribu
Sa kabila ng pag-iral ng pasistang tiraniya, binubuhay ng mamamayan ang demokrasya sa landas ng pakikibaka. Matatagpuan ito sa mga organisasyon ng mamamayan, kanilang mga organo ng kapangyarihang pampulitika at gubyernong bayan, sa loob ng Partido Komunista at ng Bagong Hukbong Bayan.
Sa Cordillera, dumadaloy ang demokrasya sa ugnayan ng mga katutubo at Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan. Matingkad ito sa mga pagkakataon kung saan namamagitan ang mga kadre ng Partido at hukbong bayan sa mga tunggaliang pana-panahong umuusbong sa pagitan ng mga katutubo ng rehiyon. Sa mga pagkakataong ito, mahigpit ang pagtangan ng mga rebolusyonaryo sa linyang masa na nagbubuklod sa masang inaapi at pinagsasamantalahan at nilulutas ang mga kontradiksyon sa kanilang hanay sa di-antagonistikong paraan.
Nagsisilbing tagapamagitan ang mga Pulang mandirigma para iwasan ang pagputok ng mga digmang tribu at malutas sa mapayapang paraan ang mga hindi pagkakaunawaan. Pinangingibabaw nito ang panawagang “Rebolusyonaryong digmang bayan, hindi digmaan ng mga tribu.”
Isang tampok na karanasan ang pagharap ng yunit ng BHB sa kaso ng pagpaslang ng mga katutubong Baclingayan sa tatlong katutubong Agawa noong Mayo. Ang mga Baclingayan ay mula sa tribung Belwang sa Sadanga, Mountain Province habang ang mga Agawa naman ay mula sa Barangay Nabanig, Besao, ng parehong prubinsya. Naganap ang insidente sa kagubatang nasa hangganan ng Besao at Tubo, Abra.
Nang mapabalita ang pangyayari, agad na kumilos ang yunit ng Hukbo na sumasaklaw sa lugar upang tumulong sa agarang pagresolba ng insidente. Para iwasan ang pagputok ng digmang tribu, hinimok ng mga kasama ang mga panglakayen (lider ng tribu) na tumindig para agaran at mapayapang malutas ang usapin. Lumabas sa imbestigasyon ng BHB na agawan ng rekurso at teritoryo ang ugat ng insidente. Parehong itinuturing ng mga Agawa at Baclingayan na teritoryo ang naturang kagubatan.
Gamit ang resulta ng imbestigasyon ng BHB bilang batayan, nanawagan ang Cordillera People’s Democratic Front sa mga panglakayen na iwasan ang digma. Naghanap ng paraan ang mga kadre at mandirigma para magharap ang dalawang panig at maresolba ang sigalot sa pinakamadaling panahon. Ilang araw matapos ang insidente, sumang-ayon ang mga panglakayen sa isang dayalogo na pamamagitan ng BHB. Dito, inihapag ang paunang imbestigasyon ng BHB sa insidente at kinuha ang salaysay ng akusado. Pumayag ang mga Baclingayan na isuko at ipailalim sa bagta o mga batas ng bodong ang maysala. Ang bodong ang tawag sa kasunduang pangkapayapaan ng mga tribu sa Cordillera.
Isa lamang ang insidenteng ito sa marami nang kasong hinarap at nilutas ng BHB sa Cordillera. Sa mga kasong may saksi, kinukuha ang mga salaysay ng mga ito. Dinidinig ang lahat ng ito ng panglakayen ng dalawang tribu. Itinatakda ng dalawang tribu ang karampatang danyos para bigyang hustisya ang mga biktima. Sa mga ugnayang ito, napapanatili ang kaisahan ng mga tribu sa ilalim ng tradisyunal na bagta.
Sa loob ng mahigit apat na dekadang pagkilos, patuloy na pinayayabong ng BHB ang praktika sa pagharap sa mga tunggalian sa pagitan ng mga tribu. Aplikasyon ng linyang masa at pakikisalamuha sa mga komunidad ang paraan ng mga kasama. Dulot ng prinsipyadong paglutas sa mga sigalot, mataas ang respeto at pagkilala ng mga tribu sa rebolusyonaryong kilusan. Napatunayan sa mahabang praktika na walang kinikilingan ang mga kasama sa paglutas sa mga tunggalian. Patas at wasto rin ang iminumungkahi nilang mga resolusyon. Dahil dito, ang mga tribu na mismo ang humihiling sa partisipasyon ng Partido at BHB sa mga usapan.
Katuwang ang mga tribu, nagpupunyagi ang mga kasama sa paglaban sa mga pambabaluktot ng kaaway sa mga katutubong kaugalian at istruktura. Sa gayon, naitataguyod ang karapatan sa sariling pagpapasya at demokrasya sa Cordillera.
Pang-uupat ng AFP sa mga tribu
KABALIKTARAN SA PRAKTIKA ng rebolusyonaryong kilusan, ginagamit ng AFP at reaksyunaryong estado ang katutubong mga kaugalian at institusyon gaya ng bodong upang palalain ang hindi pagkakaunawaan ng mga tribu sa Cordillera. Sa panahon ng mga operasyong militar, madalas na inuudyukan ng mga sundalo ang mga sigalot para pag-away-awayin ang mga tribu. Sinasamantala ng AFP at ng estado ang kanilang hindi pagkakaisa para itulak ang mga pahirap at kontra-mamamayang proyekto sa kanilang lupang ninuno tulad ng mga dam, plantang pang-enerhiya at iba pa.
Sa kasaysayan, umabot ang pang-uudyok ng AFP sa pag-aarmas nito sa mga tribu. Noong dekada 1980, inarmasan nito ang tribung Basao para wasakin ang pagkakaisa ng mga tribu laban sa Chico River Dam Project. Sa ilalim naman ng rehimeng Duterte, ito ang pangunahing laman ng tinaguriang “IP-centered approach” ng programang kontra-insurhensya.