Katiwalian sa BOC, laganap
MAHIGIT P234 BILYON buwis ang hindi naipasok sa kaban ng bayan noong 2016-2017 dahil sa katiwalian sa Bureau of Customs (BoC). Inilantad ito ni House Deputy Speaker Rep. Rodante Marcoleta sa inihain niyang resolusyon noong Oktubre. Aniya, laganap ang pamemeke sa mga listahan ng BoC para dayain ang kwenta ng buwis na kinakailangang bayaran ng mga broker (ahente ng mga importer na nagpoproseso sa pagpasok ng mga kargamento sa mga daungan).
Dati nang talamak ang korapsyon sa BoC. Laganap dito ang paggamit ng “benchmarking” at “sistemang tara.” Ang “benchmarking” ay isang iskemang nagpapadulas sa paglulusot ng mga inangkat na kargamento. Ang “sistemang tara” naman ay tumutukoy sa pagtanggap ng suhol mula sa mga importer o kanilang mga broker.
Sa bawat pagpapalit ng reaksyunaryong rehimen, kunwa’y nagkakaroon ng “paglilinis” sa loob ng BoC. Ang totoo, binabalasa lamang ng nakaupong pangkatin ang ahensya para ipwesto ang sarili nitong mga tauhan at kopohin ang bilyong pondo mula sa mga anomalya nito.