Protesta sa Buwan ng Magsasaka
DAAN-DAANG MYEMBRO NG mga organisasyong magsasaka at mga tagasuporta nila ang nagmartsa tungong Mendiola noong Oktubre 21 upang gunitain ang Buwan ng Magsasaka. Pinangunahan ng mga magsasaka mula sa Central Luzon, Ilocos, Mt. Province at Southern Tagalog ang kilos protesta.
Ipinanawagan nila ang pagbasura sa batas sa liberalisasyon ng bigas o RA 11203 dahil bigo ito na pababain ang presyo ng bigas. Sa halip, bumagsak ang presyo ng palay tungong P7 dahil sa pagbaha ng mga inangkat na bigas.
Maliban dito, libu-libong magsasaka rin ang napalalayas dulot ng patuloy na pagpapalit-gamit at malawakang pang-aagaw ng lupa. Halimbawa nito ang New Clark City na sasaklaw sa 9,450 ektaryang lupain sa Pampanga at Tarlac, at ang Aurora Pacific Economic Zone and Freeport Authority na sumasaklaw ng 12,953 ektarya.
Tinutulan din ng mga magsasaka ang militarisasyon sa kanilang mga komunidad. Sa Southern Tagalog, 15 batalyon ang idineploy ng AFP sa rehiyon. Apektado rin ang kabuhayan ng mga magsasaka sa Cordillera dahil sa presensya ng mga sundalo sa kanilang mga sakahan.
Binigyang pugay sa rali ang mga lider-magsasaka na pinaslang dahil sa pagtataguyod ng kanilang karapatan para sa tunay na reporma sa lupa. Ayon sa Karapatan, may 216 magsasaka na ang nasawi sa ilalim ng rehimeng Duterte.