14th IB, inambus ng BHB-Eastern Samar

,

ISANG YUNIT NG 14th IB ang inambus ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Eastern Samar sa Sityo Bangon, Barangay Pinanag-an, Borongan City noong Nobyembre 11, alas-5 ng hapon. Pinasabugan ng mga Pulang mandirigma ang mga sundalo.

Sa panimulang mga ulat, anim na sundalo ang napatay, kabilang ang tatlong upisyal, sa ambus ng mga Pulang mandirigma. Hindi rin bababa sa 20 ang sugatan sa kaaway dulot ng pagpapasabog ng bomba ng BHB.

Notoryus ang 14th IB sa paglabag ng mga karapatang-tao, partikular ng mga bata. Noong 2011, dalawang menor-de-edad na anak ng magsasaka ang iligal na binimbin ng mga tauhan ng 14th IB, pinagkukunan ng litrato at ipinailalim sa interogasyon. Matinding takot ang naranasan ng mga biktima na papunta noon sa kanilang bukid upang maghakot ng kopras. Ninakaw din ng mga sundalo ang kanilang mga gamit pansaka.

Noon namang 2006, isang binata at dalawang menor-de-edad ang iligal na dinakip ng mga sundalo ng batalyon at ipinrisinta bilang mga mandirigma ng BHB.

Pasimuno rin ang 14th IB sa korapsyon sa maanomalyang pagpapasurender ng mga sibilyan sa Eastern Samar. Noong Nobyembre 18, pinadalo nito ang 16 magsasaka sa isang pulong sa kapitolyo ng prubinsya sa Borongan City at idineklarang “sumurender na mga NPA.” Ganito rin ang ginawa ng batalyon noong Disyembre 2018 sa 27 magsasaka mula sa Barangay Concepcion, Paranas.

Sa Panay, iniulat ng BHB na 13 ang napatay at apat ang nasugatan sa mga tropa ng 61st IB at CAFGU matapos ang magkakasunod na opensibang militar ng mga Pulang mandirigma.

Inilunsad ng BHB ang operasyong haras laban sa 61st IB noong Setyembre 20 sa Barangay Ungyod, Miag-ao, Iloilo at laban sa detatsment ng CAFGU sa Dagami, Maasin noong Setyembre 23. Gayundin, pinaputukan ang mga pwersang nagbabantay sa Century Peak Hydrodam sa Igcabugao, Igbaras noong Setyembre 25.

Sa mga opensibang ito, napatay sina Ka Denden at Ka Aden. Binigyan sila ng pinakamataas na pagpupugay ng rebolusyonaryong kilusan at mamamayan.

14th IB, inambus ng BHB-Eastern Samar