Barangay kapitan sa Masbate, pinatay ng AFP

,

Isang kapitan ng barangay at anim pang sibilyan ang pinatay ng mga elemento ng 2nd IB at pulis sa Masbate noong unang linggo ng Nobyembre. Kinilala ang kapitan na si Wolfert Dalanon ng Barangay Libertad, Cawayan. Binaril siya ng mga sundalo noong Nobyembre 6 sa pinalabas ng mga sundalo na engkwentro sa pagitan nito at ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Pinalabas ng militar na kasapi si Dalanon ng BHB, kasama ang apat pang sibilyan. Kinilala naman ang dalawa pa na sina Joan Versaga at Arnel Ortillano, parehong myembro ng Masbate People’s Organization, na binaril at napatay sa magkahiwalay na insidente noong Nobyembre 1 at Nobyembre 2.

Isang kapitan naman ang ginipit ng mga pulis at sundalo sa Batuan, Bohol noong Nobyembre 7. Iligal na pinasok at hinalughog ng mga pulis at sundalo ng 47th IB ang bahay ni Rolando Pataca, kapitan ng Barangay Rizal. Isang linggo bago nito, kasama si Pataca sa pagtunton at pagbawi ng ilan sa kanyang mga kababaryo na sapilitang pinagiya sa operasyong kombat ng mga sundalo.

Sa Iloilo, iligal na inaresto ng mga pulis at sundalo ang lider-magsasaka na si Herman Allesa sa Barangay Bolo, Maasin noong Nobyembre 10. Dating upisyal ng Paghugpong sang mga Mangunguma sa Panay kag Guimaras (Pamanggas) si Allesa. Sinampahan siya ng gawa-gawang kaso ng pananalakay sa istasyon ng pulis sa Maasin noong Hunyo 2017.

Sa Montalban, Rizal, isang lider-maralita ang inaresto ng mga pulis noong Nobyembre 6. Inaresto si Lilibeth Gelith at sinampahan ng kaso ng “pangangamkan ng karapatan sa pagmamay-ari.” Isa si Gelith sa mga namumuno sa Montalban Homeless Alliance, isang organisasyon ng mga walang tirahan at naggigiit ng serbisyong pabahay mula sa estado.

Sa Davao, iniulat ng kanyang pamilya ang pagkawala ni Hanimay Suazo, dating pangkalahatang kalihim ng Karapatan-Southern Mindanao, noong Nobyembre 2. Huli siyang nakitang lulan ng isang motorsiklo pauwi sa kanyang bahay matapos bumisita sa sementeryo. Ilang buwan bago nito, iniulat ni Suazo ang patuloy na pagmamanman sa kanya at kanyang pamilya.

Sa Macalelon, Quezon, hinalihaw ng mga elemento ng 85th IB ang Barangay Malabahay noong Nobyembre 17. Pinuntahan nila ang bahay ng lider-magsasaka na si Eliseo Batarlo upang muling gipitin na sumurender bilang myembro ng BHB. Mula pa maagang bahagi ng taon, naitala ang mga kaso ng 83rd IB laban sa mga residente ng naturang barangay. Kabilang sa mga ito ang interogasyon at panggigipit, iligal na detensyon, sapilitang pagpapasurender at pambubugbog.

Barangay kapitan sa Masbate, pinatay ng AFP