CSP: Mukha ng “whole-of-nation” approach sa Masbate
Okupasyong militar sa sibilyang mga komunidad sa anyo ng Community Support Program (CSP) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mukha ng “whole-of nation” approach ng programang “kontra-insurhensiya” ng rehimeng US-Duterte sa Masbate.
Ang grupo ng mga isla (Ticao, Burias at Masbate), itinuturing na isang prubinsya ng Bicol, ay nakapailalim sa de facto na batas militar matapos ipataw dito ni Rodrigo Duterte ang Memorandum Order (MO) 32. Lalupang kinonsolida ni Duterte ang paghaharing militar sa isla nang ideklara niya ang Executive Order 70 na nagtatag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (ELCAC).
Alinsunod sa disenyo AFP, ang pagdedeploy ng mga yunit pangkombat para sa CSP ay bahagi ng suportang pang-operasyon ng Oplan Kapayapaan para “linisin” ang mga lugar na ipinagpapalagay nitong base o potensyal na base ng Bagong Hukbong Bayan. Ito ang tinawag na mga operasyong COPD (community organizing for peace and development) kung saan kinatuwang ng AFP ang mga lokal na gubyerno at ahensya sa programang “kontra-insurhensya.” Sa EO 70, lubusan nang kinukubabawan ng AFP ang burukrasyang sibil at mga istruktura nito sa pamamagitan ng mga lokal na task force laban sa komunismo.
Pangunahing layunin ng CSP ang itaboy ang mga residente sa mga lugar na target pagtayuan ng mga negosyo ng lokal at dayuhang mga kapitalista. Malaking bahagi nito ay mga lupang agrikultural na sinasaka ng mahihirap na magsasaka at mga lupang ninuno ng mga pambansang minorya.
Pekeng reporma sa lupa, proyektong kontra-mamamayan
Noong Enero 2018, iniutos ni Duterte ang pamamahagi ng lupa sa Masbate para kontrahin diumano ang lakas at impluwensya ng BHB sa isla. Ang totoo, balak ni Duterte na tituluhan ang mga lupang dati nang binubungkal ng mga magsasaka at ipamahagi ang mga ito sa pinaborang mga indibidwal. Padadaliin ng mga titulo ang pagbebenta ng lupa sa mga debeloper ng real estate na balak magtayo ng mga proyektong panturismo at sonang pang-eksport, at mga kumpanya ng mina.
Kasabay ng huwad na reporma sa lupa, inilako ng rehimeng Duterte ang mga proyekto sa ilalim ng National Development Plan 2018-2022. Isa rito ang proyektong panturismo na Masbate Park na nakakontrata sa Chinese na negosyanteng si Huang Rolon. Isa rin ang proyektong Masbate International Economic Zone (MIEZ) para sa dayuhang mga kumpanya. Para ibenta ang mga ito, pinalalabas ni Duterte na makalilikha ito ng mga trabaho sa prubinsya, at makatutulong sa kabuhayan ng mamamayan.
Pero ayon kay Ma. Roja Banua, tagapagsalita ng National Democratic Front-Bicol, huwad ang pangakong “pinakamalaking proyektong ekoturismo,” kung saan ang bayan ng Dimasalang at mga masang Masbateño ang makabebenepisyo.
Aniya, “inilalako ng administrasyon ang engrandeng pagpapakete sa Masbate Park at Masbate International Economic Zone upang makuha ang suporta ng mga Masbateño, at palabasing mayroong kongkretong hakbangin ang rehimen upang maresolba ang kahirapan sa prubinsya. Sa pamamagitan ng nakasisilaw at mapanlinlang na pangako ng pag-unlad, nais ng rehimen na pahupain ang suporta at pagtangkilik ng masang Masbateño sa rebolusyonaryong kilusan sa prubinsya.”
Bukod sa Masbate Park at MIEZ, kabilang sa mga dambuhalang proyekto sa prubinsya ang proyektong ekoturismo na Masbate International Tourism Enterprise and Special Economic Zone ng Masbate Park and Land Development Corporation (MPark) sa mga bayan ng Palanas at Dimasalang at Matibay Cement Factory at Coal Power Plant sa Brgy. Casabangan, Pio V. Corpus.
Liban sa mga ito ang dati nang nag-ooperasyong mga minahan, tulad ng Masbate Gold Project sa walong barangay sa bayan ng Aroroy.
Pamamaslang, pekeng pagpapasurender at PNG
Para agad na matapos ang proseso, panibagong bugso ng okupasyong militar ang ipinatupad ng rehimen sa Masbate matapos ang eleksyong midterm noong Mayo. Ayon kay Ka Luz Del Mar, tagapagsalita ng BHB-Masbate (Jose Rapsing Command), pinaigting ng AFP at PNP ang mga operasyon nito sa prubinsya para ideklara ang Masbate na “conflict manageable” at “ready for development.” Sa ngayon, sinaklaw na ng mga operasyon ng CSP ang 59 barangay sa siyam na bayan ng prubinsya. (Tingnan ang infographic.)
Nagresulta ang tuluy-tuloy na okupasyong militar sa mahigit 27 kaso ng pampulitikang pamamaslang, 12 kaso ng bigong pagpaslang, 302 kaso ng iligal na pang-aaresto at detensyon, at 14 kaso ng pagdukot. Mahigit 1,000 indibidwal ang dumanas ng pananakot at iba pang porma ng panggigipit. Nagpatupad ang mga sundalo ng walang pakundangang istraping, panghahalughog at hamletting. Bunga ng matinding militarisasyon, mahigit 1,000 ang napilitang magbakwit mula sa kanilang mga baryo.
Sa anim na prubinsya ng Bicol, pumapangalawa ang Masbate sa Sorsogon sa dami ng biktima ng pampulitikang pamamaslang at mga paglabag sa karapatang-tao. Ayon sa Karapatan-Masbate, matinding naaapektuhan at nabibiktima ang mga magsasaka, mangingisda, drayber, mga upisyal ng mga lokal na munisipyo at barangay. Target ng mga sundalo at pulis ang mga kasapi ng mga progresibong organisasyon katulad ng Kilusang Magbubukid ng Masbate (KMM), Masbate People’s Organisation (MAPO) at mga lokal na upisina ng Karapatan at Bagong Alyansang Makabayan.
Gayundin, mayor na aspeto ng CSP sa prubinsya ang sapilitang pagpapasurender sa mga sibilyan bilang mga tagsuporta o mandirigma ng BHB. Ipinatupad ng AFP ang pagpapasurender ng mga sibilyan sa ngalan ng Enhanced Comprehensive Livelihood Integration Program (ECLIP). Ayon mismo sa datos ng AFP, mayroong 539 sibilyang “sumurender.”
Upang pigilan ang lakas ng kilusang masa at pigilan ang rebolusyonaryong kilusan, sapilitang pinapirmahan sa mga residente at lokal na upisyal ang nakahanda nang mga resolusyon na nagdedeklarang “persona non grata” sa Partido Komunista ng Pilipinas at BHB, pati ang mga hayag at lehitimong organisasyong naninindigan para sa karapatan at kabuhayan ng mga Masbateño.