Huwes, pinarangalan sa Cordillera
PINARANGALAN NG MGA tagapagtanggol sa karapataong-tao at mga progresibong organisasyon sa Cordillera ang huwes na si Mario Anacleto Bañez sa kanyang lamay noong Nobyembre 11. Binaril at pinatay ng di nakilalang mga lalaki si Bañez sa loob ng kanyang sasakyan sa Barangay Mameltac, San Fernando, La Union noong Nobyembre 6. Siya ay huwes ng Regional Trial Court ng San Fernando, La Union.
Naniniwala ang Center for Development Programs in the Cordillera na pinatay si Bañez dahil sa kanyang patas at makatarungang pagdedesisyon sa mga kasong inihaharap sa kanya. Noong Setyembre 4, ipinawalangsala niya si Rachel Mariano, isang manggagawang pangkalusugan na iligal na inaresto at inakusahan ng 8th IB na sangkot sa ambus ng Bagong Hukbong Bayan sa isang yunit ng militar sa Quirino, Ilocos Sur noong Oktubre 17.
Sa kaso ni Mariano, kinilala ni Bañez ang pagiging aktibista ng akusado. Aniya, hindi katibayan ang anumang pagdududa ng militar kay Bañez, gaano man ito kalaki, para hatulan siya. Apat pang indibidwal na inakusahang mga komunista ang pinawalangsala ni Bañez.
Bago nito, hiniling ng AFP sa Korte Suprema na imbestigahan ang mga huwes na nagbabasura ng mga kaso laban sa mga inaakusahang komunista ng militar.