MO 32: Isang taon ng pamamaslang at pagtugis

,

Bilang paggunita sa unang taon ng pagpapatupad ng Memorandum Order (MO) 32, nagprotesta ang iba’t ibang sektor sa harap ng upisina ng Department of National Defense sa Quezon City noong Nobyembre 22. Mariin nilang kinundena ang patuloy na paglabag ng AFP at PNP sa karapatang-tao.

Sa ilalim ng MO 32 at Executive Order 70 ni Duterte, naganap ang pinakamatitinding atake sa karapatang-tao sa Samar, Negros at sa Bicol. Binigyang daan ng MO 32 ang pagdagdag ng pwersa ng pulisya at militar sa nasabing mga prubinsya para umano supilin ang insurhensya. Sa aktwal, pangunahin nilang tinatarget ang mga aktibista, tagapagtaguyod ng karapatang tao at mga sibilyan.

Sa Negros, naganap ang Oplan Sauron 1-3 na nagresulta sa pagpaslang sa hindi bababa sa 20 sibilyan at maraming kaso ng iligal na pag-aresto.

Matinding takot din ang dulot ng MO 32 sa isla ng Samar. Sa tala ng Katungod Sinirangan Bisayas, sa loob lamang ng isang taon mula nang ipatupad ang kautusan, may 34 na kaso na ng ekstrahudisyal na pamamaslang ang naitala sa Eastern Visayas. Sa bilang na ito, 20 ang magsasaka, at ang iba pa ay mga upisyal ng lokal na gubyerno. Apektado ng militarisasyon ang may 500 barangay. Nitong nakaraang buwan, ipinagmalaki ng AFP ang pambobomba nito sa mga sakahan at kabahayan sa Sitio Corong, Barangay Capotoan, Las Navas.

Sa Bicol, walang humpay na naglulubid ng mga kasinungalingan ang 9th ID upang palabasin na nagtatagumpay ang kanilang kampanyang kontra-insurhensya habang ibinubulsa ang milyun-milyong pondong nakalaan para rito. Patuloy din ang pamamaslang at militarisasyon.
Tinatayang may 30 batalyon ng AFP at PNP ang nakadeploy ngayon sa mga nabanggit na rehiyon.

Nananawagan ang iba’t ibang sektor na magkaisa upang labanan at ibasura ang MO 32 at EO 70.

Nagkaroon din ng katulad na protesta sa Bicol, Negros at Panay.

MO 32: Isang taon ng pamamaslang at pagtugis