Resolusyon laban sa pribatisasyon ng patubig
NAGHAIN ANG BAYAN Muna ng resolusyon para kagyat na pagrerepaso ng mga konsesyon sa pribatisasyon na pinasok ng Metropolitan Waterworks Sewerage System (MWSS) at ng Manila Water at Maynilad.
Ito ay kasunod ng inilabas na desisyon ng Singaporean tribunal noong Nobyembre na pumabor sa Manila Water at pinagbabayad ang reaksyunaryong estado ng P7.83 bilyon kaugnay ng mga pagtataas ng singil sa patubig na hindi pinahintulutan ng MWSS mula pa noong 2015.
Ayon kay Rep. Ferdinand Gaite, kailangan nang imbestigahan ang mga konsesyon at amyendahan, kung hindi man ibasura, ang mga ito alinsunod sa interes ng mga konsyumer.” Ang habol lang ng mga kumpanyang ito ay tubo, kaya ang panawagan natin ay inasyunalisa ang mga serbisyong patubig,” ani Gaite. Iginiit niya na dapat nang itigil ang pribatisasyon ng MWSS at ibalik sa kontrol ng estado ang serbisyong patubig, at bigyan ito nang sapat na prayoridad.
Sa isang pananaliksik, natuklasan na ipinapasa ng mga kumpanyang ito hindi lamang ang kanilang mga buwis, kundi pati na rin ang mga gastos ng kanilang kumpanya para sa operasyon, mga patimpalak, bakasyon at marami pang iba, sa mga konsyumer sa pamamagitan ng dagdag singil sa patubig.