Trump, isinakdal ng mababang kapulungan ng US

,

Isinakdal (impeach) ng US House of Representatives si US Pres. Donald Trump nitong Disyembre 19 dahil sa pag-abuso sa kapangyarihan. Matapos ang ilang linggong imbestigasyon, bumoto ang mayorya ng mga kinatawan pabor sa pagsasampa ng kaso laban sa kanya kaugnay ng pag-udyok niya sa Ukraine na imbestigahan ang kanyang posibleng makatunggali sa eleksyong 2020 na si dating Vice Pres. Joe Biden ng Democratic Party.

Kinasuhan din si Trump ng obstruction of justice dahil sa direktang pag-utos niya sa mga upisyal ng kanyang pamahalaan na huwag lumahok sa imbestigasyon ng kongreso hinggil sa impeachment.

Isasampa at didinggin ang kaso laban kay Trump sa US Senate. Para mapatalsik si Trump, kinakailangang bumoto ang dalawang-katlo (2/3) ng mga senador laban sa kanya. Inaasahang hindi uusad sa US Senate ang kaso laban kay Trump dahil dominado ito ng mga Republican na kapartido ni Trump (53 sa 100 Senador ay Republican, 45 ang Democrat, at dalawang independent).

Si Trump na ang ikatlong presidente ng US na na-impeach sa House of Representatives.

Trump, isinakdal ng mababang kapulungan ng US