Ang rebolusyonaryong kilusan sa panahon ng kalamidad
Isa ang Southern Tagalog (ST) sa matinding sinalanta ng nagdaang bagyong “Tisoy” noong huling bahagi ng Nobyembre hanggang nitong Disyembre. Bilang pagtugon sa mga nabiktima, nagsagawa ng mga operasyong relief at rehabilitasyon ang mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa rehiyon.
Sa panahon ng mga kalamidad at sakuna, pinakabulnerable ang masang magsasaka at anakpawis sa kanayunan. Kadalasang nakatirik ang kanilang mga bahay at komunidad malapit sa mga bundok, tabing-ilog at malalayong bukirin. Sa panahon ng sakuna, hindi sila inaabot ng kagyat na tulong at serbisyo, at pinakamatindi ay ang kawalang-tugon mula sa reaksyunaryong gubyerno.
Tungkulin ng rebolusyonaryong kilusan
Tinutugunan ng BHB at buong rebolusyonaryong kilusan ang pangangailangan ng masa sa kanayunan sa panahon ng mga kalamidad. Sa pamamagitan ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at gubyernong bayan sa antas baryo hanggang distrito, pinakikilos ang lahat ng maaaring makatulong sa pangangalap ng pagkain, tubig, gamot at materyal mula sa mga kaalyado at kaibigan.
Binubuo ang mga kaukulang komite at brigada ng mga boluntir para sa mga kagyat na tulong, rehabilitasyon at pagkukumpuni ng mga nasirang kabahayan ng masa. Gayundin ang mga tim para sa pag-aasikaso ng mga nasirang pananim at pagsasaayos ng mga ito. Pinakikilos din ang mga komite sa kalusugan para tugunan ang mga pangangailangang medikal at mga operasyong medikal.
Bago pa man ang mga sakuna, inihahanda na ang masa sa pagharap sa anumang kalamidad at pagtugon dito. Tinuturuan ang taumbaryo ng mga dapat na gawin para maagang makapaghanda at makaiwas sa mga trahedya.
Isang halimbawa ang pag-iikot ng mga kinatawan ng gubyernong bayan para palikasin sa mas ligtas na lugar ang taumbaryo. Mayroong mga tim na tutulong sa mga pamilya sa paglikas at maging sa paghahanda ng kanilang bahay. Gayundin, sa abot ng makakaya ay ang pag-asikaso sa mga bukirin at alagang hayop ng mga magsasaka.
Kabilang din sa mga hakbangin ng gubyernong bayan ang pagbubuo ng mga komite para sa kalamidad, komite sa pangangalap ng tulong at donasyon, ng mabilisang pagtugon, komite sa rehabilitasyon at iba pa.
Posibleng magdeklara ng mga lokal na tigil-putukan ang mga yunit ng BHB para bigyan-daan ang ibang mga tulong mula sa mga sibil na organisasyon. Naglalabas din ng mga pahayag ng panawagan at pagsuporta sa nasalanta ang mga yunit ng hukbo sa antas larangan, maging ang Pambansang Komand sa Operasyon ng BHB at ang Partido Komunista ng Pilipinas.
Sa kabilang banda, isinasagawa ito ng rebolusyonaryong kilusan habang nananatiling mapagbantay sa posibleng pag-atake ng mga mersenaryo at pasistang tropa ng militar at pulis.
Pagtugon ng BHB-ST pagkatapos ng bagyong “Tisoy”
Sa Mindoro, kung saan maraming bayan ang binaha at maraming bahay at taniman ang nawasak dahil sa malakas na hangin, kagyat na kumilos ang Lucio de Guzman Command at mga rebolusyonaryong organisasyong masa. Nangalap ang BHB at mga organisasyon ng pagkain, malinis na tubig at damit para sa mga biktima.
Inabot ng mga operasyong relief ng Pulang hukbo ang pitong bayan kabilang ang Bulalacao at Bansud sa Oriental Mindoro at limang bayan sa Occidental Mindoro. Sa Quezon, naglunsad ng mga operasyong relief ang mga yunit ng Apolonio Mendoza Command sa 22 bayan at ilang bahagi ng lunsod ng Lucena.
Ang mga makinaryang ito ang siyang nangangalap ng pondo at nakikipag-usap sa mga lokal na reaksyunaryong pamahalaan upang tugunan ang pangangailangan ng mga biktima ng mga bagyo. Tumulong din ang Pulang hukbo sa pagsasaayos ng mga bahay at taniman ng mga masa sa mga apektadong erya.