Krisis sa galunggong, isinasangkalan para sa liberalisasyon

,

Muling isinangkalan ng rehimeng US-Duterte ang kakulangan sa suplay ng galunggong at kaalinsabay na pagsirit ng presyo nito para itulak ang todong liberalisasyon sa pag-aangkat ng nasabing produkto.

Ang galunggong ay itinuturing na isa sa mga batayang pagkain ng mga Pilipino dahil sa murang presyo nito. Tinagurian itong isda ng mahirap. Noong ikalawang linggo ng Disyembre, tumaas nang higit triple ang presyo nito mula sa abrereyds na P100/kilo tungong P300/kilo (P380/kilo sa Metro Manila). Ito ay dahil umano bumagsak ang dami ng huli ng galunggong dulot ng bagyong Tisoy noong unang linggo ng Disyembre. Pero bago pa nito, may pagliit na ng huling galunggong bunsod ng sobrang pangingisda ng malalaking lokal at dayuhang pangisdang komersyal. Mula sa 300,000 metriko tonelada o MT noong 2008, bumagsak ang kabuuang produksyon ng galunggong tungong 170,000 MT noong 2018.

Imbis na ipagbawal ang mapandambong na operasyon ng mga pangisdang komersyal, nagpatupad ang rehimen ng kontra-mahirap na tatlong-buwan na “fishing ban” (o pagbabawal sa pangingisda) sa Palawan na gumipit sa maliliit na mangingisda. Ang nasabing prubinsya ang pinagmumulan ng 90% ng suplay ng galunggong ng Metro Manila. Sa kabila ng pagbabawal, nagpatuloy ang malawakang operasyon ng mga pangisdang komersyal sa mga bahagi ng dagat na tinakdang bawal pangisdaan.

Sinadya ng rehimen na higit pang pasidhiin ang krisis na ito para bigyan-katwiran ang pagtanggal sa mga restriksyon sa pag-aangkat ng galunggong. Pangunahing aangkatin ito mula sa China at Vietnam.

Pakanang neoliberal

Ang pakanang ito ay bahagi ng neoliberal na mga repormang patuloy na ipinapataw ng World Trade Organization (WTO) sa Pilipinas sa bisa ng Agreement on Agriculture (AOA). Layunin ng mga repormang ito na wasakin ang kakayanan ng bansa sa lokal na produksyon ng mga produktong agrikultural, kabilang ang galunggong. Inilusot ito pagkatapos ng pagsasabatas ng liberalisasyon sa pag-aangkat ng bigas. Layunin umano nito na pababain ang presyo ng galunggong sa lokal na pamilihan.

Subalit gaya ng nangyari sa pangako ng rehimen nang ipatupad nito ang todong pag-aangkat ng bigas, tiyak na walang ibang idudulot ang pakanang ito kundi ang pagpatay sa lokal na industriya ng galunggong. Ang pagbaha ng inangkat na galunggong sa lokal na pamilihan ay tiyak na magreresulta sa pagkalugi ng lokal na mga mangingisda at kalauna’y pagsirit ng presyo nito. Matatandaang una nang inamyendahan ng rehimen ang Fisheries Administrative Order 195 noong ikatlong kwarto ng 2018 matapos na pumalo sa P200/kilo ang presyo ng galunggong. Pinahintulutan nito ang pag-aangkat ng 45,000 MT maliliit na isda, kabilang ang galunggong. Mula Setyembre hanggang Disyembre 2018, nag-angkat ang bansa ng hindi bababa sa 17,000 MT galunggong.
Ngayon pa lamang ay iniinda na ng mga mangingisda ang pambabarat sa kanila ng mga negosyante. Bagamat napakalaki ng itinaas ng presyo ng galunggong sa lokal na pamilihan, nananatiling P50/kilo ang abereyds na presyo nito kapag binibili sa kanila ng mga komersyante. Dagdag dito, pasan-pasan din ng mga mangingisda ang kawalan ng sapat na kagamitang pangisda. Imbis na maglaan ng sapat na subsidyo para sa subsektor, higit pang binabaon ng reaksyunaryong estado ang mga mangingisda sa kahirapan sa pamamagitan ng mga pautang na may napakataas na interes.

Sa harap ng pananalasa ng pakanang ito sa kanilang kabuhayan, nanawagan ang Pamalakaya sa publiko na iboykot ang imported na mga galunggong na binansagan nitong “fishona non-grata” (isdang hindi tanggap). Binatikos din ng National Federation of Peasant Women (Amihan) ang walang kahabag-habag na pahayag ni Sen. Cynthia Villar, tagapangulo ng Komite sa Agrikultura ng Senado, na “kumain na lang ng gulay kung hindi kayang bumili ng isda.” Anila, “imbis na tugunan ang umano’y kakulangan sa suplay ng galunggong at pagsirit ng presyo nito, inuna pa ni Villar na maglabas ng iresponsableng pahayag.”

Krisis sa galunggong, isinasangkalan para sa liberalisasyon