Mag-amang magsasaka, pinatay sa Compostela Valley

,

Walang-awang pinatay ng mga ahente ng estado ang mag-amang sina Paterno Caso Sr., 71, at kanyang anak na si Dino, 35, noong Disyembre 12 sa Laak, Compostela Valley. Hinarang ang mag-ama ng tatlong armadong lalaking sakay ng dalawang motorsiklo sa Barangay Kapatagan bandang alas-5 ng umaga. Kasama ng mga biktima ang dalawa pang lalaking kapatid ni Dino na noo’y papunta sa kanilang sakahan.

Nagtangkang tumakas ang apat ngunit inabutan ng mga salarin ang may-edad nang si Paterno at ang may kapansanan na si Dino. Nang balikan ng mga nakaligtas na kapatid ang lugar kasama ang mga upisyal ng barangay, natagpuan ang mga bangkay ng mag-ama na may mga tama ng bala at may palatandaan ng pagpapahirap.

Nakita naman ang mga motorsiklo ng mga salarin sa kampo ng mga sundalo malapit sa lugar. Ang Compostela Valley ay saklaw ng operasyon ng 1001st IBde sa ilalim ni Col. John Oberio.

Panununog. Mga tauhan din ni Col. Oberio ang nasa likod ng panununog sa istasyon ng radyong 99.9 RP-FM sa Mawab, Compostela Valley noong gabi ng Disyembre 11. Dumating bandang alas-6 ang dalawang lalaking sakay ng motorsiklo at sinilaban ang gusaling kinalalagyan ng mga kasangkapang pambrodkas. Kabilang dito ang radio transmitter, automatic voltage regulator at mga kawad ng kuryente. Tinatayang aabot sa P1 milyon ang sinira ng mga salarin.

Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines, bago ang panununog, tinangkang patayin ang tagapamahala ng istasyon na si Pat Lucero noong Oktube 11.

Sa Samar, binuntutan ng mga nakasibilyang sundalo si Frenchie Cumpio ng Eastern Vista, isang alternatibong pahayagan, noong Disyembre 13.

Iligal na pag-aresto. Matapos taniman ng baril at pasabog, iligal na inaresto ng mga sundalo ng 86th IB si Jan-Jan Cerios, 19, isang magsasaka sa Isabela. Inaresto siya nang walang mandamyento sa Sityo Binalla, Barangay San Carlos, Echague noong Disyembre 15 at dalawang araw na inilihim ng 86th IB. Nang ipinrisinta sa publiko noong Disyembre 17, pinalabas ng militar na myembro siya ng BHB at ikinulong sa Echague Municipal Police Station.

Sa Negros Oriental, iligal ding inaresto ng mga sundalo ng 94th IB at PNP-Negros Oriental si Joven Pasibo noong Disyembre 15, alas-6 ng umaga sa Sityo Cambawgon, Guihulngan City. Dinala siya sa Guihulngan Police Station at pinagbantaang hindi palalayain kung hindi “susurender” ang kanyang ama na isang aktibong lider magsasaka.

Iligal ding inaresto ng PNP Special Action Force (SAF) at 63rd IB ang magsasakang si Christopher Mabag sa kanyang bahay sa Sityo Bagti, Barangay Mabini, Basey, Samar noong Disyembre 10. Tulad ng ibang kaso, tinaniman din ng ebidensyang mga baril at pasabog ang bahay ng biktima.

Dahil sa takot sa operasyong militar, napilitang lumikas ang lahat ng mga residente ng sityo tungong sentro ng barangay noong Disyembre 10. Mula pa noong Nobyembre 3 nililigalig na ng 63rd IB at SAF ang komunidad.

Lumikas din ang mga residente ng Sityo Dumasilag, Barangay Sta. Filomena, Quezon, Bukidnon noong Disyembre 2 dahil sa pagbabanta ng kumander ng 88th IB na si Lt. Col. Franklin Fabic na bobombahin nila ang komunidad kung hindi susurender ang mga residente bilang mga myembro at tagasuporta ng BHB.

Dumulog sa lokal na pamahalaan ang mga biktima ngunit tinanggihan sila ni Gob. Jose Maria Zubiri. Hindi bababa sa 113 residente, kabilang ang 35 bata, ang pansamantalang nakikituloy sa simbahan ng Iglesia Filipina Independiente sa sentrong bayan ng Kitaotao.

Mag-amang magsasaka, pinatay sa Compostela Valley