Nakaw ng mga Marcos, ipinababalik
Naglabas ang Sandiganbayan (korteng lumilitis sa mga kaso laban sa mga pampublikong upisyal) ng desisyon noong Disyembre 19 na nagsasaad na kinakailangang ibalik ng pamilya ng dating diktador na si Ferdinand Marcos ang hindi bababa sa 146 na mamahaling obrang sining na iligal nitong kinamkam.
Ilan sa mga ito ay obra ng tanyag na mga pintor na sina Picasso at Van Gogh. Sa kabuuan, ang mga obra ay nagkakahalaga ng $24.3 milyon (o P1.2 bilyon sa palitang $1=P50.) Anang desisyon, imposibleng mabili ng mga Marcos ang mga obra gamit ang kanilang sariling yaman sapagkat napakalayo ng halaga ng mga ito sa kabuuang sinahod ng lahat ng mga pampublikong upisyal na kaanak ni Marcos na $304,372 o P1.5 milyon lamang.
Pinagbawalan ng korte ang mga Marcos na ibenta ang mga obra at inutusang tukuyin ang lokasyon ng mga ito. Para sa mga naibenta na, obligado ang mga Marcos na ipakita ang likidasyon o kwentahan ng mga transaksyon at bayaran ang mga ito.
Sa kabilang banda, ibinasura ng Sandiganbayan ang apat na kaso laban sa mga Marcos nitong taon. Kabilang dito ang Civil Case No. 002, isa sa mga pangunahing kaso laban sa pamilya. Ang kasong ito ay naglalayong mabawi ang P200-bilyong halaga ng mga deposito sa bangko, mga lupain at pag-aari, kapital sa negosyo sa ibang bansa, alahas, obrang sining at maluluhong kagamitan na pawang mula sa pagnanakaw ng pamilya ng dating diktador.
Ang ilan pa sa mga ibinasura ng korte ay ang mga kasong nais mabawi ang P102 bilyon, P1 bilyon at mahigit P267 milyon mula sa mga Marcos.