OceanaGold, muling binigo ng mga residente
Nanindigan ang mga residente ng Didipio at ang lokal na pamahalaan ng Nueva Vizcaya na pigilan ang tangkang pagbalik sa operasyon ng OceanaGold Philippines, Incorporated sa kabila ng kautusan ng Department of Interior and Local Government na alisin ang kanilang mga tsekpoynt at barikada.
Noong Disyembre 16, hinarang ng Samahang Pangkarapatan ng Katutubong Magsasaka at Manggagawa Inc. ang trak ng OceanaGold na maghahatid sana ng gasolina para paganahing muli ang minahan. Nagsilbi namang gwardya ng trak ng kumpanya ang tropa ng 21st Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion.
Ikalawang pagtatangka na ito ng OceanaGold na magpasok ng materyales sa minahan. Noong Oktubre 10, sinubukan ding pumasok ng isa sa mga kontraktor ng kumpanya subalit pinigilan ng mamamayan.