Pamilyang Ampatuan, hinatulang nagkasala

,

Habambuhay na pagkakakulong ang hatol sa magkapatid na Datu Andal Ampatuan Jr. at Zaldy Ampatuan sa kaso ng Maguindanao Massacre. Ito ang desisyon ng Quezon City Regional Trial Court na desisyon ay inilabas noong Disyembre 19, mahigit isang dekada matapos ang krimen.

Hinatulan din ng habambuhay na pagkakakulong sina Datu Anwar Sajid Ampatuan, Datu Anwar Jr. at Datu Anwar, Sr. Bukod sa pamilyang Ampatuan, 23 pa ang hinatulan ng habambuhay na pagkakakulong, habang ang 15 na hinatulang kasapakat sa krimen ay makukulong ng anim hanggang 10 taon.

Sa hatol ni Judge Jocelyn Solis-Reyes, napatunayang maysala ang pamilyang Ampatuan sa brutal na masaker ng 57 katao noong Nobyembre 23, 2009 sa Ampatuan, Maguindanao. Mayorya sa mga biktima ay mga mamamahayag.

Inutusan din ng korte ang mga pangunahing akusado na magbayad ng danyos sa kaanak ng mga minasaker na tinatayang aabot sa P20 milyon kada biktima.
Pangamba ng mga pamilya, bagamat nahatulan na ang pangunahing utak sa krimen, malaya pa rin ang 80 suspek sa masaker. Hinihinalang pinoprotektahan sila ng mga Ampatuan.

Para sa mga grupo ng mamamahayag, itinuturing nilang tagumpay ang hatol ng korte at nangakong ipagpapatuloy ang kanilang panawagan para sa pagwawakas sa kultura ng inhustisya sa bansa. Binigyang pugay din nila ang tapang at determinasyon ng mga kaanak, mga abogado at saksi na nanindigan laban sa pamilyang Ampatuan.

Ang Ampatuan Masaker ang pinakamalalang kaso ng karahasan laban sa mga mamamahayag sa kasaysayan. Malaon nang kontrolado ng iilang makakapangyarihang angkan ang rehiyon ng ARMM, tulad ng pamilyang Ampatuan.

Ipinawalang-saysay naman ng korte ang kaso para sa danyos ng pamilya ng mamamahayag na si Reynaldo Momay, ika-58 biktima ng masaker. Hanggang sa kasalukuyan ay bigong makita ang katawan nito o maging ang kanyang kinaroroonan bagamat nakita ang ilang personal na gamit nito sa krimen. Samantala, magpapatuloy naman ang pamilya ni Momay sa paghahanap sa labi ng ama at panawagan para sa hustisya.

Pamilyang Ampatuan, hinatulang nagkasala