Ilunsad ang mga pakikibaka para sa lupa at repormang pang-ekonomya sa kanayunan
Lugmok sa kahirapan at krisis ang puo-puong milyong masang anakpawis sa kanayunan. Pasan-pasan nila ang iba’t ibang anyo ng pagsasamantalang pyudal at malapyudal at iba’t ibang mga mapang-api at pabigat na patakaran at batas. Walang ibang solusyon sa nagpapatuloy at lumalalang kalagayan ng mga magsasaka, mga minoryang mamamayan at iba pang aping sektor sa kanayunan kundi ang magkaisa at magbangon upang ipaglaban ang tunay na reporma sa lupa at iba pang mga reporma sa ekonomya.
Sa mga palayan, tubuhan, niyugan, maisan at iba pa, walang sariling lupa ang mga nagbubungkal at naglilinang ng lupa. Malaking bahagi ng yamang kanilang nililikha ay inaangkin ng malalaking panginoong maylupa sa anyo ng pabigat na upa sa lupa at mapang-aping mga kundisyon sa hatian sa gastos sa produksyon. Matinding pahirap din sa milyun-milyong magsasaka ang pambabarat sa presyo ng kanilang mga produkto ng malalaking komersyanteng may monopolyong kontrol sa pamimili.
Liban sa kawalan ng lupa at mababang kita, binabalikat nila ang mabibigat na problemang sosyo-ekonomiko na ibinunga ng mga patakarang neoliberal sa sektor ng agrikultura. Direkta ang bigwas ng mga patakarang tulad ng liberalisasyon sa importasyon ng bigas na pumapatay sa kabuhayan ng 2.4 milyong magsasaka sa palay. Kasabay ng pagbagsak ng kabuuang halaga ang pagbagsak ng bolyum ng ani, na nagtulak sa pagsasara ng mahigit 4,000 gilingan. Mula 2017, mahigit isang milyong trabaho sa kanayunan ang nawala.
Malayong hindi nakasasapat ang kita ng maliliit na magsasaka at nananatili silang baon sa utang. Sa nakaraang tatlong dekada, paliit nang paliit ang abereyds na laki ng lupang sinasaka ng mayorya ng mga magsasaka habang pataas nang pataas ang kanilang gastos sa produksyon. Matagal nang nasagad ang hangganan ng mga lupa na inangkin ng malalaking panginoong maylupa at mga plantasyon. Malawakan ang pangangamkam at dislokasyon bunsod ng pagpapalit-gamit ng mga lupang agrikultural para sa mga proyektong pabahay, sonang pangeksport, lugar panturista at iba pang komersyal na gamit. Sinasaid ng mga dayuhang kumpanya sa mina at troso ang dating makakapal na kagubatang itinuturing na bahagi ng mga lupang ansestral ng mga pambansang minorya. Habang tumatakbo ang panahon, lalong yumayaman ang dati nang malalaking panginoong maylupa at kasosyo nilang mga dayuhan at burgesya-kumprador.
Inianak ng kaayusang ito ang hukbo ng mga walang trabaho na kung hindi lumuwas sa mga syudad at naging balon ng sobrang lakas-paggawa o napilitang mangibang-bansa, ay natetengga sa kanayunan o napipilitang mamasukan sa iba’t ibang trabaho.
Dagdag sa hirap na kalagayang sosyo-ekonomiko, walang puknat ang pang-aatake ng rehimeng US-Duterte sa mga magsasaka at kanilang mga komunidad upang patahimikin sila at ipalunok na lamang ang kanilang kaapihan. Sentro ng mga atakeng ito ang mga lugar na may interes ang malalaking burgesyang-kumprador, mga dayuhang korporasyon at mga alyado nilang burukrata-kapitalista. Pinokusan ng mga operasyong kombat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga lugar na malakas na lumalaban ang masa at ang kanilang rebolusyonaryong kilusan.
Iniuugnay mismo ng rehimeng Duterte ang malalaking kampanyang militar sa kanayunan sa maka-kapitalista at maka-dayuhang mga proyektong pang-imprastruktura nito. Sa ilalim ng kunwa’y “whole-of-nation” na pagharap sa kontra-insurhensya, direkta nitong pinagsilbi ang malalaking operasyong kombat sa pagtatayo ng mapaminsalang mga dam, minahan at plantang pang-enerhiya, at mga sistema ng kalsada, paliparan at piyer na kailangan para sa kanilang mga operasyon. Sa ilang lugar, walang puknat ang panghahalihaw ng mga pulis at sundalo sa ngalan ng Community Support Program para bigyan-daan ang mga proyektong ekoturismo at sonang pang-eksport. Mga sundalo na mismo ang nagdadala ng dayuhang mga kapitalista sa liblib na mga baryo na target ng ekspansyon ng mga komersyal na plantasyon.
Walang ibang masusulingan ang masang magsasaka at anakpawis sa kanayunan kundi ang manindigan at lumaban.
Tungkulin ng rebolusyonaryong kilusan na suportahan at tulungan ang masang anakpawis na igiit ang batayang mga hinaing. Dapat silang tulungan sa paglulunsad ng mga pakikibakang masa laban sa pang-aapi at pagsasamantala at para sa ikauunlad ng kanilang kabuhayan. Kailangan ng masang magsasaka at iba pang sektor sa kanayunan na magkaisa at isulong ang kanilang kilusan para sa reporma sa lupa at mga reporma sa ekonomya upang itaguyod ang kanilang karapatan at kagalingan. Kaakibat nito, kailangang itaas ang antas ng produksyon at gawain sa ekonomya, gayundin ang pakikibaka para ipagtanggol ang mga lupang ansestral at ang natitirang yamang kagubatan.
Bilang tunay na hukbo ng masa, dapat bigyan ng matamang pansin at atensyon ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang kalagayan ng masang magsasaka, minorya at anakpawis sa kanayunan at tulungan sila sa kanilang mga pakikibaka laban sa pagsasamantalang pyudal at iba pang anyo ng pang-aapi at pagpapahirap sa masa. Dapat tulungang palakasin ang mga demokratikong organisasyong masa at tuluy-tuloy na ikonsolida ang mga sangay ng Partido sa lokalidad.
Dapat pangunahan ng mga namumunong komite ng Partido sa iba’t ibang antas, katuwang ang mga yunit ng BHB, ang panlipunang pagsisiyasat upang mas mahigpit na sapulin ang kalagayan at problemang kinakaharap ng masang anakpawis. Dapat buuin ang angkop na mga islogan na nakalapat sa kongkreto at pinakakagyat na mga pangangailangan at kahilingan ng masa. Dapat isagawa ang pagsisiyasat sa iba’t ibang antas at regular itong nasasariwa. Kailangan ilantad ang mapang-aping mga programa, patakaran, proyekto, mga nangungunang kumpanya at panginoong maylupa sa antas rehiyon, prubinsya, inter-munisipalidad hanggang sa antas ng mga baryo. Kailangang madetalye ang mga partikular na hakbang at usaping direktang nakaaapekto sa iba’t ibang sektor na saklaw ng rebolusyonaryong kilusan.
Sa pagkilos ng masang magsasaka at iba pang sektor sa kanayunan para itaas ang kanilang katayuan sa ekonomya, itinatakwil nila ang mga porma ng pagsasamantala at pang-aapi ng malapyudal na sistemang panlipunan. Kailangang pahigpitin ang pagsapol at pag-unawa na susi ang malaganap at masinsing pakikibaka ng masang anakpawis sa pagpapalawak at pagpapatatag sa hukbong bayan, at sa gayon, sa pagtaas ng pangkalahatang antas ng digmang bayan. Sa paglaki at paglakas ng hukbong bayan, lalo nitong magagampanan ang kanyang mga tungkulin sa masinsin at komprehensibong paraan.