Kampanyang militar at paglaban ng masa sa Delta Serra
Ito ang ikalawang bahagi ng “Pagpupundar ng Pulang kapangyarihan sa Delta Serra” na lumabas sa isyu ng Ang Bayan, Nobyembre 21, 2019.
Sa pagtatasa ng kumperensya ng Partido sa larangan, tumampok ang malawak na naabot nito sa pag-oorganisa at gawaing masa. Nagsilbing batayan ang mga tagumpay para sa kabuuang pag-abante nito. Napagpasyahan din ng kumperensya na maglunsad ng kampanyang militar laban sa mga kumpanyang troso at komersyal na plantasyon na patuloy na nangangamkam ng lupa at nandarahas sa mga residente. Tinarget nito ang mga armadong galamay ng kumpanya at maging ang mga pasistang pwersa ng estado na nagbibigay ng proteksyon dito.
Sinang-ayunan ng masa, kabilang ng tradisyunal na mga lider, ang disenyo ng kampanya kaya naging mas malawak ang pagpapatupad nito. Kinilala rin nila ang rebolusyonaryong katangian at balangkas ng kampanya.
Nagbunga ito ng sunod-sunod na matatagumpay na taktikal na opensiba na nilahukan ng mga yunit ng milisyang bayan. Ilang baril at kagamitang militar ang nakumpiska ng BHB sa iba’t ibang opensiba gaya ng reyd, ambus at operasyong pagdidisarma. Ilang malalaking kagamitan din ng kumpanya ang winasak ng BHB sa isang reyd. Ayon sa mga ulat, umabot sa P35 milyon ang kabuuang pinsalang tinamo nito.
Dahil dito ay lumawak at lumakas ang reaksyon ng mga pasistang pwersa. Lumawak ang presensya ng sundlo sa mga baryo at maging sa loob at paligid ng lupain ng mga kumpanya. Naging mas matagalan din ang kanilang mga operasyon. Sa harap nito ay ipinanawagan ang ibayong pagpapalakas ng armadong kampanyang pagtatanggol. Sumiklab ang serye ng mga aksyong tumatarget sa mga kampo ng militar at poste ng mga gwardya ng kumpanya. Sa halip na matakot, lalong sumidhi ang determinasyon ng masa na magtanggol laban sa mga pasistang atake sa kanilang komunidad.
Marami ang sumapi sa BHB bunga ng kampanya. Agad na nakapagtayo ng dalawang karagdagang platun ang larangan. Nabuo rin ang ilang platun ng milisyang bayan. Nagtagumpay ang kampanya sa pagpapatigil ng operasyong troso at pagpapalawak ng komersyal na plantasyon. Napigilan din ang planong pagpasok ng operasyong mina ng huli.
Pagpapanday ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika
Mahalaga ang pagkilala at pagsasaalang-alang ng Partido sa tradisyunal na sosyo-pulitikal na istruktura ng mga Lumad sa Delta Serra. Naging daan ang tradisyunal na pampulitikang mga aktibidad para sa mabilis na pagbubuo ng mga pagkakaisa na isulong ang demokratikong rebolusyong bayan.
Ang tradisyunal na pagtitipon ng mga katutubo ay natransporma tungong isang pangmasang asembliya na sumaklaw sa buong distrito. Maging sa erya para sa ekspansyon ay nakapagsagawa ng katulad na saklaw-munisipalidad na pagtitipon. Naging daan ang mga ito para sa kagyat na pagtatayo ng Rebolusyonaryong Organisasyon ng mga Lumad (ROL) sa masaklaw na antas.
Mabilis din ang pagdami at paglawak ng mga lokal na sangay ng Partido. Sa maikling panahon ay naitayo ang dalawang lokal na seksyong sumasaklaw sa dalawang magkahiwalay na kulumpon ng mga baryo.
Dahil masinsin at malawak ang naabot sa pag-oorganisa at konsolidasyon, sunod-sunod na naitayo ang mga komiteng rebolusyonaryo sa iba’t ibang antas.
Lalong sumigla ang paglahok ng masa sa mga pampulitikang gawain at aktibidad. Itinuturing nilang isang malaking rebolusyonaryong tagumpay na napamamahalaan mismo nila ang pinanday nilang gubyerno. Nagsikap ding matuto sa pamamahala ang mga bagong halal na upisyal habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin.
Sa pag-unlad ng gawain sa pulitika, kinaharap ng mga rebolusyonaryong pwersa ang panibago at kakaibang mga hamon sa konsolidasyon at ibayong pagsulong. Kabilang sa mga mayor na hamong natukoy ang pangangailangang magpaunlad ng kasanayan sa pagbibigay ng rebolusyonaryong edukasyon ng mga platung itinalaga ng larangan para tumutok sa pagkokonsolida.
Dumanas din ang mamamayan ng Delta Serra ng marahas na atake ng AFP kasabwat ang reaksyunaryong lokal na pamahalaan para lansagin ang base at pampulitikang kapangyarihan ng mamamayan. Daan-daan ang ipinarada ng AFP na biktima ng kanilang sapilitan at huwad na pagpapasurender. Karamihan sa kanila ay mula sa mga lugar na hindi pa naaabot ng pag-oorganisa. Maraming sibilyan ang sinampahan ng mga kaso, at may ilang iligal na inaresto.
Mga aral at ibayong pagsulong
Isa sa mga aral na pinanghahawakan ng hukbo sa Delta Serra ang kahalagahan ng pagtatayo ng laking-kumpanyang larangang gerilya. Kinilala din nito na kinakailangang pabweluhin ang partisipsyon ng masa nang sa gayo’y sumulong sila sa paggampan ng iba’t ibang rebolusyonaryong gawain. Naging mahalaga rin ang pagbubuo ng mga lokal na yunit gerilya. Nagsisilbing ubod ng mga ito ang mga lokal na seksyon ng Partido. Sa harap ng walang puknat na mga atake ng pasistang rehimen, ang mga lokal at panlarangang yunit gerilya ang nagsisilbing upisina at taga-depensa ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika.
Sa kasalukuyan, hustong pinanghahawakan ng larangan ang balanse sa pagitan ng konsolidasyon at ekspansyon upang patuloy na mapalawak at makonsolida ang baseng masa. May mga kwerpo ng mga instruktor ng Pambansa Demokratikong Paaralan sa hanay ng masa para sa regular na mga pag-aaral sa mga komunidad. Mas pinasigla rin ang mga serbisyo tulad ng pagpapaunlad ng produksyon, literasiya at numerasiya para sa mga bata at matatandang hindi nakapag-aral, at serbisyong pangkalusugan.
Malaking tagumpay para sa masa na epektibong nadedespensahan ang kanilang lupang ninuno. Hakbang-hakbang na rin nilang naipatutupad ang programa sa reporma sa lupa–mula sa pagpapataas ng presyo ng kanilang mga produkto hanggang sa pagbawi sa mga lupang sakahang inagaw ng kumpanya. Tinutukan ng bawat organo ang pagpapaunlad ng produksyon upang matutustusan ang lokal na pangangailangan ng masa. Sa mga baryo at komunidad, patuloy na lumalawak ang mga sakahan ng palay, mais at iba pang mga produktong pagkain. Sumailalim din ang mga istap sa produksyon sa mga pagsasanay hinggil sa angkop na mga pamamaraan sa agrikultura. Ito ay para epektibong mapangasiwaan at maturuan ang mga grupo sa produksyon ng angkop na mga kasanayan sa pagsasaka.