Militarisasyon sa gitna ng tigil-putukan

,

Nagpatuloy ang mga operasyong kombat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa kabila ng magkatugong deklarasyon ng unilateral na tigil-putukan ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP). Tumagal ang tigil-putukan mula Disyembre 23, 2019 hanggang Enero 7, 2020. Sa loob ng panahong ito, nakapagtala ang Ang Bayan ng hindi bababa sa 35 na kaso ng paglabag ng reaksyunaryong estado sa nasabing deklarasyon.

Sa kabilang banda, nilinaw ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na hindi paglabag sa deklarasyon ng tigil-putukan ang depensibang aksyon ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Bicol at Iloilo laban sa armado at sustenidong pananalakay ng mga yunit ng AFP at PNP noong Disyembre 23. Taliwas ito sa malisyosong mga pahayag na inilalabas ng militar.

Bicol. Naglunsad ng sinkronisadong mga operasyong militar ang AFP sa Camarines Norte at Sorsogon ilang oras lamang matapos na magkabisa ang deklarasyon. Noong Disyembre 24, bandang alas-10 ng umaga, ginalugad ng mga elemento ng 92nd Division Reconnaissance Company (DRC) ang Barangay Baay sa Labo, Camarines Norte sa layong tugisin ang mga Pulang mandirigma. Dahil dito, natulak na maglunsad ng aktibong depensa ang Armando Catapia Command laban sa mga pasista. Tatlong sundalo ang namatay at walong iba pa ang nasugatan matapos silang pasabugan ng eksplosibo ng mga Pulang mandirigma. Kasabay nito, ginalugad din ng mga elemento ng 903rd IBde ang Barangay San Isidro sa Donsol, Sorsogon.

Panay. Nakapagtala ang NDFP-Panay ng hindi bababa sa pitong insidente ng paglabag ng 61st IB at PNP Regional Office 6 (PRO 6). Una rito ang pagpapatupd ng PRO 6 ng Oplan Galugad sa Barangay Singon, Tubungan, Iloilo mula pa noong Disyembre 19 na nagpatuloy hanggang sa magkabisa na ang deklarasyon. Sa tabing nito, aabot sa 100 operatiba ang ipinakat sa lugar para tugisin ang mga Pulang mandirigma at magpalaganap ng saywar at teror. Bilang tugon, naglunsad ang Napoleon Tumagtang Command ng kontra-opensiba sa mga pulis noong Disyembre 23 na nagresulta sa anim na sugatan sa hanay ng kaaway.

Pinasinungalingan din ng yunit ang pahayag ni Lt. Col. Joem Malong ng PRO 6 na suspendido na ang mga operasyong pulis noong panahong iyon. Inilantad nito na maliban sa Singon, nag-ooperasyon din ang mga sundalo at pulis sa kanugnog na mga barangay nito kabilang ang Ayubo at Cawilihan sa bayan ng Leon.

Mula Disyembre 26-29, naiulat naman ang pag-ooperasyon at pagpapalaganap ng saywar ng 18 sundalo ng 61st IB sa mga barangay ng Tacuyong Norte at Manampunay sa Leon, Iloilo; 18 sundalo sa mga barangay ng Igdampog Norte at Igdampog Sur sa Tubungan; at 30 elemento ng PNP Provincial Mobile Force sa mga barangay ng Igtuble at Igpaho. Sa tabing ng operasyong “peace and development,” nag-operasyon at naniktik din ang 30 sundalo sa mga barangay ng Tigmarabo at Ungyod sa Miag-ao, Iloilo mula Enero 3-4.

Negros. Nakapagtala ang Apolinario Gatmaitan Command ng 11 ulat hinggil sa mga kilos at operasyon ng 62nd at 79th IB sa Negros Oriental mula Disyembre 24-Enero 6. Isa ang naitala sa bayan ng Isabela, apat sa Moises Padilla, at tig-tatlo sa Himamaylan at Escalante City. Dagdag pa rito ang mga operasyon ng 11th IB at PNP sa Talalac sa Sta. Catalina at iba pang mga bayan sa ikatlong distrito ng Negros Oriental.

North Central Mindano. Magkakasunod na mga operasyong militar din ang isinagawa ng AFP sa North Central Mindanao. Noong Disyembre 23, naiulat ang pag-atake ng mga paramilitar na Wild Dogs sa kampo ng BHB sa Barangay San Vicente, Esperanza, Agusan del Sur. Namataan din ang tuluy-tuloy na pagpasok ng mga tropa ng 26th IB sa Barangay Tagbalili sa parehong bayan mula Enero 2 hanggang 4.

Sa Impasug-ong, Bukidnon, tuluy-tuloy din ang operasyong militar sa Barangay Hagpa, Calabugao, at Bulonay mula pa noong Disyembre 24. Dalawang kanyon din ang ipinuwesto sa Hagpa at Calabugao. Tinatayang 40 sundalo rin ang kasalukuyang nakakampo sa paaralan ng Sityo Mahagwa sa Hagpa. Noong Enero 4, nagpalipad din ng drone ang mga sundalo sa nasabing sityo.

North Eastern Mindanao. Kinubkob din ng mga tropa ng 401st IBde at PNP-Caraga ang bayan ng Bacuag sa Surigao del Norte kung saan sana planong idaos ang isang selebrasyon para sa ika-51 na anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas noong Disyembre 29.

Ilocos. Patuloy din ang pag-ooperasyon ng mga tropa ng 24th IB sa mga bayan ng Malibcong, Pilar, Lacub, Sallapadan, Tubo at Villaviciosa. Partikular sa Lacub, natulak na magbakwit ang ilang residente noong Disyembre 23 dulot ng militarisasyon sa kanilang komunidad.

Militarisasyon sa gitna ng tigil-putukan