Sapilitang rekrutment at brutalidad sa loob ng CAFGU
Higit pang nabunyag ang pagkatuso ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay ng mga ipinaparada nitong pekeng mga “sumurender.” Gamit ang pananakot at panlilinlang, pwersahang nirerekrut ang pekeng mga “sumurender” sa CAFGU. Karaniwang gawi ito ng mga sundalo, ayon sa testimonya ng ilang CAFGU na naging bihag-ng-digma (prisoner-of-war o POW). Nadakip sila matapos ang isang matagumpay na reyd ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa isang detatsment sa Agusan del Sur noong 2018.
Sa 16 POW na nadakip sa naturang reyd, 14 ang aktibong elemento ng CAFGU. Ikinuwento nila sa mga Pulang mandirigma na tinipon ng mga pasistang sundalo ang mga residente sa kanilang komunidad. Sa pagtitipon na iyon, binasa ang listahan ng pinagbibintangang mga tagasuporta ng BHB, o mga pinaghihinalaang kasapi ng milisyang bayan o sangay ng Partido sa lokalidad.
Matapos ang aktibidad, isa-isa silang ipinatawag at pinagbantaang sasampahan ng mga kasong kriminal. Tinakot din silang papatayin kung tatangging maging CAFGU. Napapayag ang ilan sa mga residente matapos pangakuan ng regular na sweldo at kabuhayan. Pawang mga maralitang magsasaka ang mga narekluta.
Matapos nito, dinala sila ng AFP sa Malacañang at ipinarada ni Rodrigo Duterte sa midya bilang mga “sumurender.” Dinala sila sa Davao at muling iniharap ni Duterte sa publiko bilang mga diumano’y “rebeldeng nagbalik-loob.” Sa parehong pagkakataon, pinangakuan sila ni Duterte ng tig-Php50,000100,000, pabahay at kabuhayan.
Wala ni isa sa kanila ang nagkatanggap ng ipinangakong pabuya.
Pagmamalupit sa treyning ng CAFGU
Maluha-luha si Gary (hindi tunay na pangalan), 21, nang ilahad niya sa BHB ang mga paghihirap, kahihiyan at pasakit na dinanas niya sa loob ng 42 araw na treyning para sa CAFGU.
“Hanggang ngayon ay sumasakit pa rin ang sugat sa aking ulo,” aniya, at ipinakita ang mga pilat sa kanyang noo at bumbunan dulot ng pako. Ikinuwento ni Gary na ilang ulit siyang pinarusahan ng “tusok-ulo,” o paghampas ng kahoy na may mga pako. Madalas silang pinarurusahan kung hindi nila nakakayanan ang mga “drill” o hindi nakukumpleto ang mabibigat na ehersisyo sa treyning.
“Una akong pinarusahan noong bumagsak ako sa pagod dahil isang buong araw kaming pinag-jogging palibot ng isang putikang field. Walang tigil, walang kain, walang pahinga.” Bukod sa “tusok-ulo,” karaniwang parusa rin ang paghampas ng “padel” (malapad at makapal na kahoy) sa kanilang mga binti at braso. Madalas din silang binubugbog ng mga kadreman kapag nagkakamali. “Minsan, kahit wala kaming kasalanan, basta mainit lang ang ulo ng upisyal.” Kadreman ang tawag sa mga regular na sundalong nangangasiwa sa mga CAFGU.
Si Tatay Lito (hindi tunay na pangalan), sa kabila ng kanyang edad na 61, ay hindi rin nakaligtas sa pagmamalupit ng mga upisyal militar. Dahil matanda na, karaniwan siyang idinedestino sa gawaing kusina. Madalas din siyang pinag-iigib ng pampaligo ng mga upisyal at regular na sundalo sa kampo.
“Minsan, hindi ko sinasadyang nahilaw ang sinaing. Pinagsasampal ako ng upisyal sa harap ng lahat. Sa sobrang lakas ay natanggal ang aking ngipin.” Mas masahol pa, dahil umano sa kanyang “kasalanan,” ang lahat ng trainee ay pinag-jogging nang buong araw sa putikan. “Hiyang-hiya ako sa kanilang lahat, hindi ko naman sinasadya,” ani Tatay Lito.
Nang tanungin ng BHB ang kadreman na kasama sa mga nadakip na POW, hindi niya itinanggi ang mga kwento. “Tradisyon” na raw ito, at kadalasa’y mas malala at mas malupit ang mga parusa kapag papalapit na ang pagtatapos ng mga trainee.
Katiwalian ng kadreman
Nagpatuloy ang paghihirap at pagtitiis ng mga CAFGU sa pagpasok nila sa serbisyo.
Hindi nila nakuha ang Php9,000 na buwanang sweldong ipinangako sa kanila. Ayon sa kanila, ang pamimigay ng suweldo ay “kinsenas-katapusan,” o sa tuwing ika-15 at ika-30 ng buwan, subalit nasa Php1,500-P2,000 lang bawat buwan ang kanilang natatanggap.
“Minsan, nakapagreklamo kami sa mas mataas na upisyal na bumisita sa kampo. Pero ang sabi niya matagal na raw na nakuha ng kadreman ang aming sweldo. Noong tinanong naman namin ang kadreman, itinanggi niyang nakuha niya ang pera.”
Ang ilan din sa mga CAFGU ay mahigit isang taon na sa serbisyo pero nakatanggap lamang ng katumbas sa tatlong buwang sweldo. Sa kabilang banda, masama ang kanilang loob dahil lagi raw masarap ang pagkain ng kanilang kadreman, mamahalin ang mga gamit at imported ang sigarilyo.
“Mabuti pa noong nagsasaka kami, wala kaming utang. Nang mapasok na sa CAFGU, baon na sa utang, wala pang makain ang aming pamilya.” Si Jun, 33, ay may maliit na lupang sakahan sana pero naisangla niya ito para ipambili ng uniporme, bakpak, combat boots at iba pang mga rekisito sa pagpasok sa CAFGU.
Nang tanungin ang mga POW kung babalik pa ba sila sa CAFGU kung mapalaya na, pare-pareho ang kanilang tugon. “Hindi na po talaga, babalik na lang ako sa pagsasaka.”