Tradisyong Lumad, ginagamit ng AFP laban sa mga minorya
Habang isinusulong ang kampanyang “kontra-insurhensiya,” pinaiigting ng rehimeng US-Duterte at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang “IP-centric approach” (taktika na nakatuon sa mga masang minorya) sa mga komunidad ng Lumad. Ang kahungkagan ng islogan na ito ay makikita sa paglapastangan ng estado sa Dumalongdong upang lalong manggipit at sapilitang magpasurender ng mga Lumad sa Agusan del Sur at Agusan del Norte.
Ang Dumalongdong ay isang tradisyunal at pulitikal na taunang pagtitipon ng mga datu at lider-Lumad ng mga tribung Higaonon at Banwaon. Dito pinagtitibay ang mga batas at patakaran upang depensahan ang kanilang lupang ninuno. Dito rin nilulutas ang mga mayor na tunggalian ng mga kasapi. Sa Dumalongdong din isinasagawa ang “dang-ul” o pagbabasbas sa bagong mga datu. Malinaw na isa itong sagradong pagtitipon na naglalayong palakasin ang kaisahan ng mga tribu.
Noong Agosto-Nobyembre 2019, nag-organisa ng mga Domalongdong ang AFP sa mga komunidad sa Agusan del Sur (Mahagsay at Lumboy sa San Luis; Sinakungan sa Esperanza) at Agusan del Norte (Kasiklan sa Las Nieves). Kasama ang nasabing mga lugar sa 36 na barangay sa dalawang prubinsya na kasalukuyang may nakatayong detatsment ng CAFGU.
Ayon sa isang datu, sapilitan silang pinadalo, laluna ang mga hindi pumupunta sa mga dating pagpupulong na pinatatawag ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP). Ang mga tumutol ay sinisindak at inaakusahang kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Sa Agusan del Sur, ang pagpapatawag ay pinangunahan ni Ading Pascual, isang regular na sundalo. Kasama niya ang mga Lumad na inorganisa ng AFP sa paramilitar na “Wild Dogs” at “Bulif.”
Ang pagrerekluta ng mga Lumad para sa CAFGU at pagtatayo ng mga kampo ay bahagi ng layuning paglaban-labanin ang mga Lumad. Ginagamit ng estado ang Dumalongdong para buwagin ang kanilang pagkakaisa na kinikilala ng BHB bilang mahalagang aspeto sa kanilang pagtatanggol sa lupang ninuno.
Huwad ding pinasurender ang mga residente sa ilalim ng batbat-sa-katiwaliang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP). Ang binasbasan namang maging datu ay mga pekeng lider na sunud-sunuran sa NCIP, mga sundalo, myembro ng CAFGU at mga negosyante.
Iprinisinta din ng AFP sa pagtitipon ang mga hangganan ng lupaing ninuno, at matapos nito’y naglunsad ng operasyong militar sa nasabing mga erya.
Kasaysayan ng karahasan
Noong Oktubre 2017, dinaluhong ng AFP ang Barangay Minbukadyang, San Luis, Agusan del Sur at binomba ng helikopter. Pagkatapos nito ay pinagbawalan ang mga residente na lumabas sa komunidad sa loob ng isang linggo. Pinwersa silang pumunta sa kampo ng militar at sumurender.
Bilang pagtutol, dumulog ang komunidad sa reaksuyunaryong slokal na pamahalaan ngunit hindi ito nakagawa ng mapagpasayang hakbang. Dahil dito ay napilitan ang ilang residente na lumabas sa komunidad habang marami pa rin sa kanila ang nagpaiwan.
Sa kasunod na operasyon, isang sibilyan ang pinatay ng AFP sa komunidad ng Tamyang sa Barangay Binicalan. Dalawa pang sibilyan ang pinatay sa Nakadayas.
Matinding teror ang idinulot ng militarisasyon sa mga residente at sa mga kalapit na baryo. Sa kasalukuyan, walong komunidad na ng mga Lumad ang walang tao. Napilitan silang magtago sa mga liblib na bahagi ng gubat at namumuhay sa gitna ng matinding panggigipit.
Yaon namang mga napilitang sumurender ay nirekluta ng AFP upang maging bantay-tunob o tagabantay ng mga bakas sa kagubatan. Inaatasan sila na sundan ang mga bakas, hindi lang ng BHB, kundi pangunahin ng kanilang mga kapwa lumad na nagtatago sa gubat. Huhulihin o papatayin ang sinumang maaabutan ng mga armadong bantay-tunob.
Dagdag na pambubuyo upang lumabas sa baryo ang mga Lumad, nagpatawag ng mga pagtitipon ang NCIP, DSWD, at iba pang ahensya ng reaksyunaryong gubyerno. Pwersahang pinadalo dito ang mga residente. Ang mga pulong na ito ang nagsilbing panimula para sa paglulunsad ng mga Dumalongdong na inorganisa ng AFP at NCIP.
Lumalawak na interes ng mga kumpanyang mina
Tumitindi ang atake laban sa mamamayang Lumad sa Agusan upang hawanin ang lahat ng hadlang sa pagpapalawak ng interes ng mga dambuhalang mina.
Sa Agusan del Norte pa lamang, mayroong hindi bababa sa limang dambuhalang kumpanya sa mina na nag-oopereyt o may aplikasyong mag-opereyt. Saklaw ng mga ito ang mahigit 33,000 ektarya.
Susi sa pagkaka-apruba ng mga konsesyon sa mina ang pagpapailalim ng lupang ninuno sa mga Certificate of Ancestral Domain Title (CADT). Sa Dumalongdong na inorganisa ng AFP at NCIP sa Agusan del Norte, naipasa ang Tribal Resolution Number 11 series of 2019 na nagpailalim sa mga lupain ng Barangay Lawan-lawan, Las Nieves sa CADT. Si Eddie Ampiyawan, isa sa mga “datu” ng NCIP, ang nanguna sa nasabing Dumalongdong, at sa mga katulad na aktibidad sa iba pang baryo sa Agusan del Norte.
Dahil sa resolusyon, nakapasok sa barangay ang isang konsesyon ng mina na sumasaklaw ng 295 ektarya. Target ding ipailalim sa CADT ang iba pang barangay sa buong Las Nieves. Ang mga hangganan ng mga lupang ninuno na itinatakda sa CADT ay siya ring planong pasukin ng mga kumpanya sa mina.
Maliban sa Agusan del Sur at Norte, idinaos din ang mga pagtitipong tulad ng Dumalongdong sa Bukidnon at Misamis Oriental sa pamamagitan ng Kahimunan, Kaamulan, at iba pa.