Linyang masa sa gawaing rekoberi sa Leyte
Paglubog sa masa, sa masigla at tapat na pagsisilbi sa kanila—dito nakita ng mga Pulang mandirigma sa isang larangang gerilya sa Leyte sa Eastern Visayas, ang kahulugan ng pagiging tunay na hukbo ng mamamayan. Ito ang pinanghawakan nilang pampulitikang tagumpay sa gawaing rekoberi sa lugar.
Mula nang muling kumilos ang mga kasama sa lugar noong 2017, malaki na ang inabot ng kanilang yunit. Ito ang pagbabahagi ni Ka Lino, lokal na kadre ng Partido. Noong 2019, nalubugan na nila ang lahat ng bayan na saklaw ng larangan. Mas masaya sila sa gawain. Hindi nila ininda ang labis na kagipitan sa harap ng mga operasyon ng kaaway na umaabot ng isa hanggang dalawang kumpanya ang laki. Mula sa panimulang kontak na isang pamilya, maraming masa na ang naabot ngayon.
Labing-isang taong hindi naugnayan ng mga kasama ang masa. Sinamantala ito ng kaaway upang kontrolin ang lugar. Maliban dito’y pinalaki ng kaaway ang naging mga kamalian bago ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto. Ginawang base ng kaaway ang lugar para sa kontra-rebolusyon, at nagpakalat rito ng disimpormasyon at nagtanim ng mga tauhan sa paniktik.
Malaking hamon ang kinaharap ng mga kasama dulot ng klima ng teror at panlilinlang na nilikha ng kaaway. Kahit ano pa ang gawing pangungumbinsi ng mga kasama, walang masa na gustong humarap sa kanila. Makita lang ang mga bakas ng mga Pulang mandirigma, agad nang nagpapaabot ang masa sa militar. Dahil sa takot na akusahan ng kaaway na may kaugnayan sa BHB, pipiliin na lang ng mga magsasaka na umalis sa kanilang bukid at hindi makapaghanapbuhay. Tanong ni Ka Lino, “Paano mapupukaw at maoorganisa ang mga magsasaka kung ayaw nilang humarap sa mga kasama?”
Gutom, pagod, kagipitan sa seguridad at pagkalito ang kinaharap ng mga kasama. Hindi nila malaman kung paano pa makakaabot sa masa. May ibang nag-aalangang humarap sa masa dahil hindi alam ang tereyn at hindi nila tiyak kung mapagkakatiwalaan ang kanilang mga nauugnayang kontak. Unti-unting lumitaw ang demoralisasyon sa loob ng yunit.
Makalipas ang isang taon, tinasa ng pamunuan ng Partido ang kanilang naging estilo sa gawaing rekoberi. Natukoy nila ang mga naging kahinaan at konserbatismo sa pulitiko-militar. Higit sa lahat, natukoy ang maluwag na pagkapit sa prinisipyo ng pagiging hukbo ng mamamayan at buong loob na pagsisilbi sa masa. Nagpuna sila sa kanilang mga sarili. Nagpasya silang kailangan nila itong pangibabawan, ibalik ang kanilang kasigasigan at pagiging mapamaraan at magpursige sa pagpukaw sa masa at pagsulong sa digmang bayan.
Una muna nilang niresolba ang labis na takot ng masa. Kailangan ang simple, mabilis at madaling maunawaang propaganda na magpapaliwanag ng mga naging kahinaan ng rebolusyonaryong kilusan upang labanan ang paninira ng kaaway. Paano nila ito ginawa? “Kailangan natin itong ipakita sa ating pagkilos,” ani Ka Lino. “Ipakita natin sa kanila ang mainit na pagmamahal ng BHB sa masa.”
Sinamantala ng mga kasama ang bawat oras upang tumulong sa masa. Pagsapit ng dilim, tumutulong sila sa pagkopra, paglinis ng mga sakahan, pagbunot ng damo at pagtrabaho sa abakahan. “Aabot ng 2,000 oras na pagtatrabaho sa bukid ang aming ginawa na walang iniisip na kapalit,” dagdag ni Ka Lino. Sa umaga, namamalayan na lang ng mga magsasaka na may nagtapos na ng kanilang mga gawain sa bukid. Walang pinili ang mga kasama kung kaninong sakahan ang kanilang tutulungan, kabilang na ang ilang kasapi ng CAFGU.
Sa kalaunan, humarap sa kanila ang mga magsasaka at nagpaabot ng pasasalamat. Magbabayad pa sana sila bilang kapalit. Pero ang tanging pakiusap lang ng BHB ay panahon na makausap sila upang magpaliwanag at magpuna sa mga naging kahinaan at kamalian sa nakaraan. Nagbigay din sila ng pampulitikang edukasyon, iminulat ang masa sa kasalukuyang kalagayan at inimbita silang makiisa sa armadong pakikibaka.
Kumalat ang balita hinggil sa ginagawa ng mga kasama at nailantad ang paninira ng mga kaaway. Para kay Ka Lino, nakita ng masa na kayang harapin ng BHB ang labis na sakripisyo para sa ikabubuti ng masa. Bumalik ang pakikipagkaisa sa kanila ng masa. Dahan-dahan ding naitayo ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa na napapakilos sa iba’t ibang gawain.
Ngayon, naghahanda ang yunit at ang masa na ikasa ang kanilang kontrapyudal na kampanya laban sa hindi patas na pagtitimbang ng kopras. Positibo silang makakamit ang tagumpay dahil lubos nilang isinasapraktika ang tunay na diwa ng pagiging hukbo ng mamamayan.