Lumalalim na mga kontradiksyon sa natitirang dalawang taon ni Duterte

,

Layunin ni Duterte na palawigin ang kanyang poder. Subalit dahil mahigit dalawang taon na lang ang nalalabi sa kanya, mahihirapan na siyang ipatupad ang anumang iskema. Subsob ang rehimen sa malubhang krisis sa pulitika na lalo pang sisidhi sa pagkahigop ng naghaharing sistema sa proseso ng transisyong pampulitika sa eleksyong 2022. Upang matamo ang kanyang kahibangang ala-Marcos, kakailanganing gumamit ni Duterte ng mas madudugong paraan ng panunupil.

Isagad man ng rehimeng Duterte ang populistang pangangako, hindi na mababaligtad ang pampulitikang pagkahiwalay nito. Ito ay dahil sa tuluy-tuloy na paglala ng kalagayang sosyo-ekonomiko, laganap na ekstrahudisyal na mga pagpatay, mga abusong pulis at militar, sagad-sagarang korapsyon, at pagpapakatuta sa dayong mga amo. Dahil sa sitwasyon, lalong lumalakas ang loob ng malapad na hanay ng mga pwersang anti-Duterte na kumilos para biguin ang kanyang mga iskema at sikaping patalsikin siya sa lalong madaling panahon.

Sa kabila ng kanyang mga taktikang tiraniko at pagpapailalim ng militar at pulis sa personal na kontrol, hindi pa rin nakukumpleto ni Duterte ang planong sarilinin ang estado poder. Matapos ang mahigit tatlong taon sa Malacañang, hindi pa natuloy ang planong charter change dahil sa hidwaan sa hanay ng kanyang pangkating pampulitika at matamang paglaban sa tunay na layunin ng kanyang proyektong “pederalismo.”

Mahigit tatlong taon nang walang patumanggang ginamit ni Duterte ang madugong kampanya ng mga pagpatay para sindakin ang bayan. Isinagawa ito sa gayak ng “gera sa droga” bagaman ang tunay nitong layunin ay agawin ang kontrol ng bentahan ng shabu. Ginamit itong kasangkapan upang pasunurin ang mga pulitiko sa kanyang mga dikta.

Ang mga naghaharing uri sa labas ng pambansang kabisera ay napwersang makipagtulungan at sumunod sa mga kagustuhan ni Duterte. Pero sa marami, taktika lang ito para ipreserba ang sarili habang madugong dumadaluhong ang rehimen. Gayunman, malalim ang pagkayamot nila kay Duterte dahil sa laki ng kinakaltas sa kanilang mga kontrata sa negosyo at pag-angkin ng pinakamalaking bahagi ng mga lagay at “porsyento.” Pinananabikan nilang magtapos ang paghahari ng walang kabusugang katakawan ni Duterte.

Halos lubos nang nawalan ng poder ang mga lider ng oposisyon sa ilalim ng Liberal Party dahil sa maruruming taktika sa pulitika ni Duterte, at manipulasyon sa resulta ng nakaraang eleksyon. Gayunman, patuloy na nakakukuha ng suporta ang oposisyon mula sa malalaking negosyante at oligarko. Marami sa kanila ay inipit ni Duterte para magbigay ng mas malaking bahagi sa negosyo. Kamakailan, pinalakas ni Vice Pres. Leni Robredo ang kanyang pagbatikos sa gera sa droga ni Duterte.

Mistulang solido ang suporta ng militar at pulis kay Duterte lalo’t binigyan sila ng mas malawak na kapangyarihan sa ilalim ng pinaigting na kampanyang kontrainsurhensya. Nagbuo si Duterte ng sarili niyang pangkat at tagasunod sa mga upisyal ng AFP at PNP sa pamamagitan ng paghirang sa kanila sa pinaglalawayang mga pwesto sa burukrasya. Gayunman, malalim ang pagkakahati ng AFP at PNP sa mga paksyon na tapat sa iba’t ibang pangkating pampulitika at sindikatong kriminal. Pero, sila’y mga panatiko ng militar ng US, na hindi naman masaya sa pakikipagniig ni Duterte sa China.

Bagaman dalawang taon pa bago ang eleksyong 2022, lumalalim na ang hidwaan sa hanay ng naghaharing pangkatin. Binabantayan ni Duterte ang kanyang pansamantalang mga alyado, na mga makapangyarihan ding burukratang kapitalista at malaking oligarko. Handa silang hamunin ang iskema ni Duterte na mapalawig ang kapangyarihan o planong iluklok ang kanyang pamilya o malalapit na kaibigan. Hindi sikreto ang ambisyong magpresidente ng anak na babae ni Duterte at iba pa niyang malalapit na alyado. Mabilis silang nagkokonsolida ng sariling mga pwersa lalo’t lumulubha ang kalusugan ni Duterte at inaantabayanan ang kanyang pagkamatay bago matapos ang termino.

Mas nag-iingay ang mga pwersang anti-Duterte sa US. Nagresolusyon kamakailan ang Senado ng US na hawak ng Democratic Party para ipagbawal sa US ang mga upisyal na nasa likod ng pagpapakulong kay Sen. Leila de Lima. Nakipagpulong rin kamakailan ang mga upisyal ng US embassy kay Vice Pres. Robredo sa usapin ng gera kontra-droga na hayagang binabatikos ng ilang upisyal ng gubyernong US. Nasasabit naman sa krisis pampulitika at humaharap sa pagdinig sa impeachment si US President Trump, na hayagang tagasuporta ni Duterte.
Ipinailalim ni Duterte ang buong bansa sa di deklaradong batas militar sa pamamagitan ng Executive Order 70 at National Task Force. Itinuon nito ang kanyang buong gubyerno sa brutal na kontra-insurhensya na may deklaradong layuning gapiin ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) bago magtapos ang kanyang termino. Gamit ang kapangyarihang batas militar, ipinatutupad ng mga pwersang militar at pulis ni Duterte ang isang malupit na kampanya ng panunupil at pasipikasyon laban sa malawak na masa sa kalunsuran at kanayunan.

Sinasakop ng mga pwersang militar at paramilitar ang daan-daang mga baryo. Gayunman, bigo silang lubusang gapiin ang masang magsasaka at ang determinasyon nilang makibaka para sa tunay na pamamahagi ng lupa at mga reporma sa ekonomya. Sa kalunsuran, patuloy ang mga manggagawa, masang malaproletaryado at petiburges sa paggigiit ng mga karapatan at kahilingang dagdag sahod, subsidyo ng estado at iba pang kagyat na reporma sa harap ng lumalalang kalagayang pang-ekonomya.

Inilunsad ng AFP ang maigting na opensibang militar laban sa BHB gamit ang bagong mga sandatang bigay ng US. Sa kabila ng mga opensibang ito, walang yunit ng BHB ang dumanas ng malaking pinsala. Taliwas dito, gamit ang mga taktika ng pagkalat, paglipat at konsentrasyon, matagumpay na nakakokontra-kubkob ang mga yunit ng BHB. Hindi bababa sa isang batalyon ng mga tropa ng AFP ang natanggal sa larangan ng labanan noong nagdaang taon.

Masidhi ang galit ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino sa harap ng sumisirit na gastos sa pamumuhay, kawalan ng kita, lubhang mababang sahod, mapang-aping upa sa lupa, labis na mataas na interes sa pautang, di makatwirang presyo sa pagbili ng mga produktong magsasaka, di makatwirang kaayusan sa pagpapaalaga ng mga hayop, kakulangan ng subsidyo sa pampublikong edukasyon at kalusugan, imperyalistang agresyong ekonomiko, burukratikong korapsyon at pagkainutil sa harap ng mga kalamidad, pabigat na mga buwis at iba pang pang-aapi at anyo ng pagsasamantala.

Iniluluwal ng lumalalim na kontradiksyon sa ilalim ng rehimeng Duterte ang kalagayang dapat salubungin ng malawak na pagpapakilos sa mamamayan. Dapat abutin ng Partido at mga rebolusyonaryong pwersa ang lahat ng nagdurusa sa ilalim ng rehimeng Duterte at tulungan silang makibaka laban sa lahat ng anyo ng pang-aaapi at pagsasamantala. Dapat patuloy na magsama-sama ang lahat ng demokratikong pwersa sa isang malapad na nagkakaisang prente para labanan ang pasistang tiraniya at mga iskema ni Duterte na manatili sa poder.

Sa kanayunan, dapat palakasin ng Partido ang BHB sa lahatang-panig na paraan. Dapat pakilusin ng BHB at lahat ng rebolusyonaryong pwersa ang masa ng mahihirap na magsasaka at malaproletaryado laban sa pyudal, malapyudal at iba pang anyo ng pagsasamantala at pang-aapi, gayundin, para isulong ang kahilingan para sa demokrasya, mga kagyat na reporma at para ibasura ang mga patakarang anti-magsasaka ng rehimeng Duterte. Dapat isulong ng BHB ang armadong pakikibaka upang ipagtanggol ang masa laban sa mga pasistang mang-aapi at biguin ang mga armadong opensiba ng kaaway.

Lumalalim na mga kontradiksyon sa natitirang dalawang taon ni Duterte