Patuloy na pagsupil sa mga Lumad ng Surigao del Sur
Mula nang ideklara ang batas militar sa Mindanao, hindi nawalan ng presensya ng militar sa mga baryo ng San Miguel, Surigao del Sur. Dahil ilang kilometro lang mula sa sentrong haywey, labas-masok ang militar sa mga liblib na komunidad ng mamamayang Lumad. Sa bawat operasyong tumatagal ng 10-15 araw, nagtatayo ng mga tsekpoynt, nagpapatupad ng curfew at blokeyo sa pagkain.
Noong Agosto 2019, inianunsyo ang pagtatayo ng 52nd Engineering Brigade ng Philippine Army ng umano’y “farm-to-market road” (kalsada patungong pamilihan mula bukid) sa lugar. Lumang tugtugin na para sa mga residente ang ganitong tipo ng mga “proyekto.” Babala nila, kung hindi aalis ang mga sundalo, magbabakwit sila sa kabilang baryo.
Tukoy na ng mga Lumad ang padrong ito: umpisa na naman ng Community Service Program (CSP) ng militar. Nagsisimula ang militar sa pagbahay-bahay upang mag-census. Kasunod nito, pupulungin ang mga residente para takutin at sapilitang pasurenderin bilang diumano’y mga kasapi o tagasuporta ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Pagkatapos nito ay magtatayo na ng detatsment.
Nang magsimula ang paggawa ng kalsada, hindi masagot ng lokal na gubyerno kung kailan iyon matatapos. Hindi rin inilinaw kung aling ahensya ng gubyerno ang nagpasimuno ng naturang proyekto o kung saan magmumula ang pondo. Nakiusap na lamang umano ang lokal na mga upisyal sa mga lider ng komunidad na pahintulutan ito.
Isa lamang ang tiyak, hindi papunta sa merkado ang kalsada. Ang ruta, byahe tungong lupang paraiso: ang Andap Valley Complex.
Lupang paraiso ng katutubo
Ang Andap Valley Complex ang isa sa mga lupaing pinakamayaman sa mineral sa buong bansa. Sakop nito ang mga bayan ng San Miguel, San Agustin, Marihatag, Cagwait, Tago at Lianga sa Surigao del Sur. Tahanan ito ng hindi bababa sa 22 komunidad ng Lumad. Bahagi ang Andap Valley Complex ng rehiyong Caraga kung saan matatagpuan ang pinakamalaking deposito ng nickel at ginto sa bansa. Nasa Andap Valley Complex naman ang pinakamalaking deposito ng karbon.
Malaon nang target ng mga dambuhalang kumpanya sa mina ang yamang mineral ng Andap Valley Complex. Kabilang sa mga ito ang Benguet Corporation (pagmamay-ari ng pamilya Romualdez), PhilexMining (Pangilinan), Abacus Coal Exploration and Development Corporation (kasosyo ang pamilya Zamora), Great Wall Mining and Power Corporation (Tsino), ASK Mining and Exploration Corporation at CoalBlack Mining Corporation.
Sa bawat pagpapalit ng naghaharing rehimen, lalong ibinubukas ang lupang ninuno sa pandarambong. Bago magtapos ang termino ni Arroyo noong 2009, hindi bababa sa 35 permit sa eksplorasyon ang iginawad ng Department of Environment and Natural Resources sa dambuhalang mga kumpanya sa mina sa Surigao del Sur. Sa buong termino naman ni Benigno Aquino III ay nadagdagan ng may 20 ang mga permit sa bansa. Sa kabila ng mga ito, nabigo silang pasukin ang Andap Valley Complex dahil sa nagkakaisang pagtutol ng mga komunidad ng Lumad.
Nang maluklok sa kapangyarihan, mismong si Duterte ang nag-endorso ng mga kapitalistang papapasukin sa lupang ninuno. Noong Pebrero 2018, tahasan siyang nag-utos sa Armed Forces of the Philippines na atakehin ang mga komunidad sa Andap Valley Complex. Nagbanta rin siya ng dislokasyon sa mga Lumad. Nararapat lamang daw silang targetin ng militar dahil sakop sila ng mga teritoryong diumano’y pinagpupugaran ng BHB.
CSP para sa minahan
Sa Andap Valley Complex, kung saan balak mag-opereyt ang nabanggit na mga kumpanya, hindi bababa sa limang batalyon ang estratehikong nakapuwesto. Kabilang sa mga ito ang 75th, 36th, 88th, 16th at 3rd Special Forces Battalion, na pawang nasa ilalim ng 402nd Brigade.
Nagsisilbi ring pribadong hukbo ng mga kumpanya sa mina ang mga grupong paramilitar. Binuo ng AFP ang mga grupong ito mula sa hanay ng mga Lumad upang buwagin ang kanilang pagkakaisa. Kabilang sa mga ito ang mga grupo nina Calpet Egua, Marcos Bocales, Marcial Belandres at Hasmin Acevedo, ang Magahat-Bagani at Task Force Gantangan-Bagani Force.
Pinangungunahan ng 402nd Brigade ang Caraga Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC). Kabilang sa mga pangunahing programa nito ang mga CSP. Ipinatutupad ito sa loob ng tinaguriang mga Peace and Development Zone (PDZ) o kulumpon ng mga komunidad na umano’y apektado ng armadong tunggalian. Isa ang Andap Valley Complex sa mga itinuturing na PDZ kung saan balak ipatupad ang Andap Valley Site Integrated Area Development Plan at iba pang proyektong target ang yamang mineral ng lugar.
Sa ilalim ni Duterte, tumindi ang paghahari ng teror ng militar sa Mindanao. Sa Caraga, hindi bababa sa 22 ang ekstrahudisyal na pinaslang mula 2016-2019. Maliban dito, 30 ang iligal na inaresto, habang ilang libo ang biktima ng sapilitang pagbakwit sa mga komunidad. Sa loob lamang ng 2018, dalawang ulit na sapilitang nagbakwit ang 15 komunidad sa magkatabing bayan ng Lianga at San Luis. Nagpatupad ang militar ng blokeyo sa pagkain at ipinagbawal ang pagpasok ng mga makataong organisasyong nais tumulong sa mga biktima.
Sa kabila ng mga ito, nananatiling mahigpit ang pagkakaisa at paglaban ng mamamayang Lumad.
Sa tabing ng kontra-insurhensya, binibigyang pokus ang pag-atake at red-tagging sa mga komunidad ng Lumad upang uk-ukin ang kanilang pagkakaisa laban sa pasismo at pandarambong. Sa pamamagitan ng RTF-ELCAC, gagamitin ng AFP ang mga CSP bitbit ang mga pakanang proyektong tulad ng mga “farm-to-market road” upang hawanin ang daan para sa mga dayuhang kumpanya sa mina.