Rehimeng Duterte, lalupang nahihiwalay
BUNSOD NG TUMITINDING pagkahiwalay ng rehimeng Duterte dahil sa malulubhang paglabag nito sa karapatang-tao, ipinasa ng US Senate noong Enero 8 ang resolusyon na kumukundena sa ekstrahudisyal na mga pagpaslang ng rehimen sa mga mamamayan sa tabing ng “gera kontra droga.” Kinundena rin ng mga senador ang pagdakip sa mga tagapagtanggol ng karapatang tao, pagkakakulong ni Sen. Leila de Lima at panggigipit sa midya.
Hiningi sa resolusyon na ipatupad ni US Pres. Donald Trump ang Magnitsky Act. Nakasaad sa batas na maaaring magpataw ng sangksyon ang US laban sa mga dayuhang upisyal na itinuturing nitong may malulubhang kaso ng paglabag sa karapatang-tao. Sa bisa nito, maaaring ipagbawal ng US ang pagpasok sa bansa ng nasabing mga upisyal, gayundin ang pagpasok o paggamit ng mga upisyal sa kanilang mga ari-arian sa US.
Maging ang mga myembro ng parlamento ng EU at ang gubyernong Canada ay nagpahayag na rin ng pagsasabatas ng sariling mga bersyon ng Magnitsky Act.
Noong Disyembre 2019, kinansela ng US ang visa (dokumento para makapasok sa ibang bansa) ni Sen. Ronald dela Rosa, dating kanang kamay ni Duterte sa kanyang huwad na gera kontra droga. Ipinatupad ito alinsunod sa Asia Reassurance Initiative Act (ARIA) ng US. Naglaan ang batas na ito ng $1.5 bilyong pondo sa mga bansa sa Indo-Pacific para palawigin ang hegemonya ng US sa rehiyon. Partikular nitong ipinagbawal ang pagtustos sa kampanyang anti-droga ng Philippine National Police.