19 magsasaka, iligal na inaresto

,

Sa Northern Samar, 15 magsasaka mula sa Barangay Osmeña, Palapag ang inaresto noong Enero 22 at 23. Dinakip ng mga elemento ng 20th IB sina Constancio Capate Martinico, Renaldo Longcop, Gonzalo Magayes, Jomar Orua, Delphin Meraya Jr. at JR Laoreno. Dinala ang anim na magsasaka sa kampo kung saan sila ininteroga. Sa sumunod na araw, siyam na magsasaka naman ang dinala sa kampo ng 803rd IBde sa Catarman. Ipinailalim sila sa interogasyon at sapilitang pinasurender. Pinagbawalan din ang mga kaanak na bumisita sa mga biktima.

Apat na lider magsasaka naman sa Bukidnon ang inaresto noong Enero 23 matapos makipagdayalogo kay Rep. Manuel Zubiri. Kinilala ang apat na sina Jun Guinanao, tagapangulo ng Kasama-Bukidnon, June Makute ng Buffalo-Tamaraw-Limus (BTL), Danilo Menente at Albert Tanallion. Idinulog ng apat sa tanggapan ni Zubiri ang pamamaslang sa mga magsasaka sa Bukidnon, pagsasampa ng gawa-gawang kaso sa mga aktibista at ang kanilang panawagan para sa subsidyo sa agrikultura. Matapos ito, hinarang at dinakip sila ng mga elemento ng 88th IB at dinala sa kanilang kampo sa Maramag. Inakusahan ang apat na nagkakanlong umano ng mga sugatang kasapi ng BHB sa kanilang sakahan sa BTL, Maramag.

Noong Pebrero 5, inaresto naman at kasalukuyang nakadetine sa Oroquieta City Police Station si Engr. Jennefer Aguhob batay sa gawa-gawang kasong pagpaslang. Si Aguhob ay kasapi ng Karapatan at Union of People’s Lawyers in Mindanao. Bago nito, noong 2018 at 2017, dumanas siya ng pananakot at pandarahas sa militar.

Sa Laguna, natagpuan ang mga bangkay ng dalawang magsasaka na sina Emerito Pinza at Romy Candor noong Pebrero 5. Dinukot sila at pinatay ng mga elemento ng Regional Mobile Force Battalion 4A noong Enero 19. Pinalabas ng mga berdugo na nasawi ang dalawa sa isang engkwentro. Upang itago ang kanilang krimen, inilibing ang dalawa gamit ang inimbentong mga pangalan sa Calamba Municipal Cemetery. Si Pinza at Candor ay mga kasapi ng Pinagkaisang Ugnayan ng mga Magsasaka sa Laguna.

Sa Bohol, binaril hanggang mapatay ng pinaghihinalaang ahente ng estado si Pelagio Compoc sa kanyang bukid sa Barangay Dagohoy, Bilar noong Enero 22. Si Compoc ay kasapi ng Humabol-Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at barangay tanod sa kanilang komunidad. Bago ang pagpaslang, makailang beses siyang dumanas ng pandarahas dahil umano may kapatid siyang kumander ng Bagong Hukbong Bayan.

19 magsasaka, iligal na inaresto