Atake sa kabuhayan ng mga drayber ng Angkas at habal-habal
Dahil sa kawalan ng maayos na sistema ng pampublikong transportasyon sa buong bansa, maraming komyuter ang natutulak na tumangkilik sa serbisyo ng mga drayber ng mga motorsiklong taxi sa kalunsuran at habal-habal sa kanayunan. Imbis na paunlarin ang nabubulok nang sistema ng transportasyon, inuuna ng rehimeng Duterte ang pag-atake sa kabuhayan ng mga drayber na nais lamang na magtrabaho at tumulong sa mga komyuter. Patunay ito ng pagiging sagad-sagaring kontra-mamamayan ng rehimen at kawalan ng malasakit sa kapakanan ng nakararami.
Atake sa mga drayber ng Angkas
Araw-araw na kalbaryo ang dinaranas ng mga komyuter dahil sa napakatinding trapik at bulok na sistema ng pampublikong transportasyon. Para makaiwas sa trapik, marami sa Metro Manila at Metro Cebu ang umaasa sa serbisyo ng Angkas, isang kumpanyang nag-oopereyt ng mga motorsiklong taxi. Tinatangkilik ito ng mga komyuter dahil mas madaling makamaniobra at makalusot sa masisikip na mga kalsada. Malaking bagay ito para sa mga komyuter dahil nakatitipid sila ng oras at pamasahe.
Noong Disyembre 2016 lamang itinatag ang Angkas subalit mabilis na lumawak ang operasyon nito kasabay ng pagsidhi ng problema sa trapik. Dahil sa kawalan ng sapat at disenteng oportunidad sa trabaho, marami ang na-engganyo na magtrabaho sa kumpanya lalupa’t relatibong malaki ang kinikita ng mga pultaym na drayber nito (umaabot P1,500 kada araw). Noong Disyembre 2019 ay umabot na sa 27,000 ang kabuuang bilang ng mga drayber ng kumpanya.
Imbis na suportahan ng rehimen ang mga drayber, noong Disyembre 2019 ay inutusan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Angkas na tanggalin sa trabaho ang 17,000 sa mga drayber nito. Ito ay para umano maging patas sa mga bagong opereytor ng mga motorsiklong taxi. Kabilang sa mga ito ang JoyRide at Move It na kapwa nagsimula ng kani-kanilang mga operasyon noong Enero. Sa ngalan ng “kumpetisyon,” nilimita ng LTFRB tungong 10,000 ang maksimum na bilang ng mga drayber na maaaring magtrabaho sa kada kumpanya.
Walang naging mekanismo ang LTFRB para tiyakin na masasalo ng mga bagong kumpanya ang mga tinanggal. Ang malawakang tanggalan sa Angkas ay hambalos hindi lamang sa kabuhayan ng mga drayber at kanilang mga pamilya kundi pati na rin sa daan-daanlibong mamamayan na umaasa sa kanilang serbisyo.
Hindi ito ang unang pagkakataon na pinagdiskitahan ng rehimen ang mga drayber ng Angkas. Una nang kinansela ng LTFRB ang permit ng Angkas noong Nobyembre 2017 dahil nilalabag umano ng kanilang serbisyo ang batas trapiko. Noong Mayo 2019 na lamang pansamantalang pinayagan na muling mamasada ang mga drayber nito. Nakatakdang mapaso ang mga permit ng Angkas, JoyRide at Move It sa susunod na buwan. Magreresulta ito sa pagmasaker sa hindi bababa sa 30,000 trabaho sa Metro Manila pa lamang.
Atake sa mga drayber ng habal-habal
Bago pa man mauso ang serbisyo ng mga motorsiklong taxi, matagal nang patok sa masang anakpawis ang serbisyo ng mga drayber ng habal-habal. Ang habal-habal at “skylab” ay palasak na mga katawagan sa mga motorsiklong ginagamit bilang pampublikong transportasyon sa kanayunan at maging sa mga bayan na kulang ang pampublikong transportasyon. Praktikal ang gamit ng mga ito laluna sa liblib na mga komunidad na may makikipot, matatarik o di kaya’y masusukal na daang hindi kayang bagtasin ng mga traysikel at malalaking sasakyan.
May dalawang tipo ng habal-habal. Una ay yaong may nakadugtong na tablang kahoy sa upuan. Maaari itong magsakay nang hanggang sa limang pasahero. Ang ikalawang tipo naman ay yaong may pakpak o dalawang tablang kahoy sa parehong tagiliran. Maaari itong makapagsakay nang hanggang sa 13 pasahero.
Kadalasan ding ginagamit ng mga residenteng magsasaka ang mga habal-habal para sa transportasyon ng kanilang mga produkto patungo sa mga pamilihan. Ginagamit din ang mga ito para ikarga ang kanilang mga bagahe at maging mga alagang hayop.
Ang mga drayber ng habal-habal ay maituturing na bahagi ng malaproletaryado sa kanayunan. Dahil sa kakulangan ng kita at laganap na pangangamkam at pagpapalit-gamit ng lupa, maraming magsasaka ang natutulak na maghanap ng dagdag na mapagkakakitaan. Kabilang sa mga alternatibong pinagkukunan ng kita ng maraming magsasaka ang pamamasada ng habal-habal.
Bagamat tinatangkilik ng masa, mahigpit itong ipinagbabawal ng reaksyunaryong gubyerno dahil labag umano sa batas trapiko ang pamamamasada ng habal-habal. Kalakhan din ng mga habal-habal sa mga prubinsya ay hindi naiparerehistro sa LTFRB dahil sa napakamahal at napakakumplikadong proseso ng aplikasyon. Dahil dito ay madalas na dinadakip ang mga drayber at kinukumpiska ang kanilang mga motorsiklo. Umaabot sa P5,000 ang multang ipinababayad sa mga drayber ng habal-habal. Madalas din silang mabiktima ng pangongotong ng mga sundalo at pulis sa mga tsekpoynt.
Dagdag na pasakit sa mga drayber ang baku-bakong mga kalsada sa kanayunan na mabilis na sumisira sa mga pyesa ng kanilang mga habal-habal. Pabigat din ang walang tigil na pagsirit ng presyo ng petrolyo at iba pang mga bilihin na higit pang nagpapaliit ng kanilang kakarampot na kita.
Ang gipit na kalagayang ito ang nagtutulak sa mga drayber na magbuklod at makibaka. Nag-oorganisa sila ng mga asosasyon sa iba’t ibang mga barangay para ipaglaban ang kanilang karapatan sa kabuhayan. Ang mga asosasyong ito rin ang nagtatakda ng mga patakaran sa pamamasada kagaya ng pag-iistandardisa ng pamasahe, pagtitiyak sa kaligtasan ng mga pasahero at iba pa. Ang mga asosasyon din ay namomobilisa sa panahon ng mga sakuna at kagipitan sa mga baryo. Naninindigan ang mga drayber na ang kanilang pagparoo’t parito sa mga kalsada ay bahagi ng kanilang pang-araw-araw na hanap-buhay at obligasyon na magbigay ng serbisyo sa kanilang mga kababaryo.
Gayunpaman, maging sila ay biktima ng mga pasistang panunupil ng mga armadong pwersa ng estado. Layunin nito na patahimikin ang mga drayber at supilin ang kanilang lehitimong paglaban para sa kabuhayan. Kabilang sa mga pinakahuling kaso ng panunupil sa mga drayber ang pagpaslang ng mga elemento ng 3rd ID kay Lito Itao, awditor ng Guihulngan City Habal-habal United Operators and Drivers Association noong Hunyo 2019 sa Negros Oriental. Para bigyang katwiran ang krimen, pinalabas ng mga pasista na kasapi umano ng Bagong Hukbong Bayan ang biktima.
Ang panunupil ng reaksyunaryong estado ang nagtutulak sa mga drayber ng habal-habal na direktang mag-ambag sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Kabilang sa mga gawaing ginagampanan nila ang regular na pagbibigay ng suportang lohistikal at paniktik sa mga Pulang mandirigma.