FMO sa Southern Tagalog
Pinaslang ng mga sundalo ng berdugong 4th IB ang mga sibilyan na sina Mark Ederson Valencia Delos Santos at Jay-ar Mercado sa Barangay Happy Valley, Socorro, Oriental Mindoro noong Enero 31. Si Mercado ay boluntir na organisador ng Bigkis at Lakas ng mga Katutubo sa Southern Tagalog na dinukot ng militar noong Enero 26. Inilibing ng mga berdugo si Mercado noong Pebrero 1 nang hindi ipinaalam sa kanyang mga kaanak. Matapos ang krimen ay pinalabas ng militar na kasapi ng Bagong Hukbong Bayan ang dalawa.
Bahagi ang krimeng ito ng nakapokus na operasyon (focused-military operation o FMO) ng Southern Luzon Command (Solcom) sa ilang prubinsya ng Southern Tagalog noong Enero. Bukod sa paggalugad sa mga komunidad sa kanayunan, nagtayo rin ito ng mga tsekpoynt at walang habas na naglapastangan sa karapatan ng mga katutubo at magsasakang nakatira sa erya ng kanilang operasyon. Ang mga operasyong ito ay dinidirehe ng bagong-talagang kumander ng Solcom na si Gen. Antonio Parlade. Laking-dibisyong tropa ang idineploy sa Quezon at Mindoro.
Sa Quezon, ginalugad ng magkasamang pwersa ng 201st IBde at PNP-Calabarzon ang mga barangay ng Villa Espina, Pisipis at Vergania sa bayan ng Lopez mula Enero 10 hanggang Enero 30. Sinalakay naman ng aabot sa isang batalyong pwersa ng 85th IB at PNP ang ilang barangay sa Gumaca. Naglagay din ito ng tsekpoynt sa Gumaca at iba pang bayan sa Timog Quezon.
Gayundin, tinatayang isang batalyon ang idineploy mula sa 1st IB, PNP at CAFGU sa mga bayan ng Real at Sampaloc, Quezon; at Kalayaan at Luisiana sa Laguna mula pa noong ikalawang linggo ng Enero.
Mga interyor na barangay naman sa Rizal at San Jose, Occidental Mindoro; at Bulalacao, Mansalay, Victoria at Socorro sa Oriental Mindoro ang ginagalugad ng mga elemento ng 203rd IBde at PNP-Mimaropa mula Enero 8. Ayon sa ulat, dalawang kumpanya ang nag-ooperasyon sa bawat eryang saklaw ng FMO.
Aabot naman sa 32 baryo sa bahagi ng Timog Palawan ang saklaw ng FMO ng Western Command ng AFP at Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict. Idineploy ang 1st Police Mobile Force Company ng PNP Palawan sa mga bayan ng Quezon, Rizal, Bataraza, Brooke’s Point at Sofronio Española.
Sa panahon ng nakapokus na operasyong militar naganap ang matitinding paglabag sa karapatang-tao at paggambala sa payapang pamumuhay ng mga residente. Sa Gumaca, Quezon, pinahinto sa tsekpoynt at iligal na hinalughog ang isang dyip. Nag-istraping naman ang mga sundalo sa Rizal, Occidental Mindoro. Samantala, tatlong kabataang Tadyawan ang dinahas noong Enero 12 sa Happy Valley, Socorro, Oriental Mindoro. Sapilitan ding lumikas ang mga residente mula sa anim na sityo sa tatlong barangay ng Socorro at apat na sityo sa tatlong barangay ng Victoria mula Enero 13.