JIPCO: Kapayapaan para sa mga kapitalista
BINATIKOS NG MGA grupo ng mangggagawa ang PNP matapos nitong i-anunsyo ang pagtatayo ng mga Joint Industrial Peace and Concern Office (JIPCO) sa mga sonang pang-ekonomya sa Central Luzon noong Enero 22.
Ayon sa Center for Trade Union and Human Rights, ililigalisa lamang nito ang malawakang paglabag sa karapatang tao sa mga sonang pang-ekonomya. Pinagtibay din nito ang mismong patakaran ng estado na gapiin ang militanteng unyonismo sa tabing ng kampanyang kontra-terorismo, na ang ultimong layunin ay tiyakin ang kita ng mga kapitalista.
Sa paglulunsad ng JIPCO sa Clark Freeport Zone, hayagang sinabi ng Police Regional Office 3 na pangunahing layunin ng programang na pigilan ang pag-oorganisa ng mga militanteng unyon na maorganisa ang mga manggagawa sa mga pabrika sa engklabo.
Para naman sa Kilusang Mayo Uno, direktang atake ang pagbubuo ng JIPCO sa batayang karapatan ng mga manggagawa na magtayo ng unyon. Dagdag nito, hindi kailanman magkakaroon ng kapayapaan kung ang mga pwersang panseguridad ng estado gaya ng PNP ay nagpapatupad ng mga patakaran na pumapaslang sa libu-libong mamamayan.