Sa ika-33 taon ng Mendiola Massacre: Duterte Legacy, kagutuman at kamatayan
MULING NAGTIPON ANG mga progresibong grupo at kaanak ng mga biktima ng Mendiola Massacre noong Enero 22 upang gunitain ang ika-33 taon ng masaker. Anila, bigo ang rehimeng Duterte na bigyang hustisya ang pagkasawi ng 13 magsasaka noong Enero 22, 1987 sa Mendiola, Manila.
Ang 13 magsasaka ay kabilang sa libu-libong nagtungo noon sa Mendiola upang ipanawagan sa dating Pangulong Cory Aquino na ipatupad ang tunay na reporma sa lupa.
Para sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, bagamat ilang rehimen na ang nagdaan ay nagpapatuloy pa rin ang nakalulunos na kundisyon ng mayorya sa mamamayang Pilipino. Dagdag nila, kasinungalingan ang ipinagmamalaki ng rehimen na “Duterte legacy.” Sa loob ng 33 taon, wala pa ring lupa ang mga magsasaka, wala pa ring hustisya at tunay na kapayapaan.
Sa pahayag ng Unyon ng Manggagawa sa Agrikutura, mas matindi ang pagpaslang sa mga magsasaka sa ilalim ni Duterte. May 244 na ang pinaslang sa kasalukuyan. Gutom din ang dinaranas ng mga magbubukid dulot ng batas sa liberalisasyon ng pag-aangkat ng bigas. Ayon sa Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luzon-Nueva Ecija, dinaranas ngayon ng mga magsasaka ang mababang presyo ng palay. Halos wala na silang kinikita dahil sa pagpapatupad ng naturang batas.