8 aksyong militar, ikinasa ng BHB-NEMR

,

NAGLUNSAD ANG BHB-Northeastern Mindanao Region (NEMR) ng walong armadong aksyon laban sa mga pwersa ng militar at pulisya noong Enero. Ayon kay Ka Ariel Montero, tagapagsalita ng BHB-NEMR, nagresulta ang mga aksyon sa pagkamatay ng siyam na sundalo at pagkasugat ng siyam na iba pa.

Surigao del Norte. Magkasunod na aksyong militar ang inilunsad ng BHB-Surigao del Norte laban sa 30th IB at Special Action Force noong Enero 12-13. Pinaputukan ng BHB ang nag-ooperasyong mga sundalo at pulis sa Barangay Camam-onan, Gigaquit. Sa dalawang labanan, isa ang patay at tatlo ang sugatan sa kaaway.

Noong Enero 13, pinasabugan naman ng mga Pulang mandirigma ang mga sundalo sa Barangay Lahi sa parehong bayan. Tatlo ang patay at isa ang sugatan sa mga tropa ng 30th IB.
Apat na sasakyang militar din ang pinasabugan sa Barangay Ladgaron, Claver noong Enero 17. Lulan ng mga ito ang mga elemento ng 30th IB, SAF at PNP Provincial Mobile Force Company. Hindi bababa sa dalawa ang patay at isa ang sugatan sa opensiba.

Surigao del Sur. Tinambangan ng BHB ang mga pwersa ng 7th Special Forces Company sa Barangay San Isidro, Marihatag noong Enero 28. Nakumpiska ng BHB sa kanila ang dalawang kalibre .45 pistola, isang radyong Harris at iba pang kagamitang militar. Dalawa ang patay sa kaaway.

Naglunsad din ng operasyong haras ang BHB-Surigao del Sur laban sa 3rd Special Forces Battalion sa Barangay Buhisan, San Agustin noong Enero 20.

Agusan del Norte. Pinaputukan ng BHB ang nag-ooperasyong tropa ng 29th IB sa Barangay Anticala, Butuan City noong Enero 18. Kinumpirma mismo ng 402nd Brigade na mayroong dalawang kaswalti sa kanilang hanay.

Tinambangan din ng BHB ang nag-ooperasyong tropa ng 29th IB Sa Barangay San Isidro, Kitcharao noong Enero 16. Ayon sa mga residente, isa ang patay at dalawa ang sugatan sa mga sundalo sa nasabing opensiba.

8 aksyong militar, ikinasa ng BHB-NEMR