Apat na Pulang mandirigma, brutal na pinaslang ng AFP

,

Tatlong Pulang mandirigma ang pinaslang ng 81st IB sa Barangay Namatican, Sta. Lucia, Ilocos Sur noong Pebrero 13. Ayon sa imbestigasyon ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Ilocos, dinukot ng mga sundalo sina Julius “Ka Goyo” Marquez, Ennabel “Ka Onor” Balunos at Ma. “Ka Ricky” Finela Mejia sa kanilang tinutuluyan. Matapos nito ay pinagbabaril ang tatlo nang walang kalaban-laban. Bakas din sa kanilang mga katawan ang matinding tortyur na sinapit.
Pinatunayan ng mga residente sa lugar na walang naganap na labanan, taliwas sa nilubid na kasinungalingan ng militar at pulis na namatay umano ang mga Pulang mandirigma sa engkwentro.

Nag-alay ang BHB-Ilocos at NDF-Ilocos ng Pulang saludo sa tatlong martir. Nangako ang BHB-Ilocos na kakamtin ang rebolusyonaryong hustisya para sa tatlong Pulang mandirigma na minasaker ng mga pasista.

Mariin ding kinundena ng BHB-Far Southern Mindanao Region (FSMR) ang brutal na pagpaslang ng mga elemento ng 39th IB kay Juanita Dore “Ka Maring/Isay” Tacadao noong Pebrero 14 sa Sityo Lacobe, Barangay Malabuan, Makilala, North Cotabato. Ayon sa BHB, dahil sa karamdaman ay mahina na at walang kakayahang lumaban si Ka Maring. Para bigyang katwiran ang pamamaslang, pinalabas ng AFP na armado si Ka Maring at mayroon pa umanong dalang pampasabog.

Ayon sa BHB-FSMR, bago paslangin si Tacadao ay tumulong siya sa komunidad ng mga magsasaka na napilitang magbakwit noong nakaraang taon dulot ng pananalasa ng lindol.

Pinarangalan ng BHB-FSMR at ng buong rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon si Ka Maring na nag-alay ng mahigit tatlong dekadang paglilingkod sa sambayanan. Naging bahagi si Ka Maring ng mabilisang pagpapalawak ng baseng masa at ng mga matatagumpay na pakikibakang masa sa rehiyon.

Apat na Pulang mandirigma, brutal na pinaslang ng AFP