Atake sa ABS-CBN: atake sa kabuhayan at demokrasya

,

Umani ng suporta ang kumpanya sa midya na ABS-CBN at mga empleyado nito mula sa iba’t ibang grupo at personalidad matapos magsampa ng petisyong quo warranto si Solicitor General Jose Calida sa Korte Suprema laban sa kumpanya noong Pebrero 10. Matapos ang isang linggo, muling naghain si Calida ng “gag order” (petisyon para patahimikin) para pagbawalan ang istasyon at mga indibidwal na magsalita hinggil sa isyu.

Sa petisyong quo warranto, hinihingi ni Calida sa korte na bawiin ang prangkisa ng korporasyon dahil umano lumabag ito sa mga alituntunin ng kanilang kasalukuyang prangkisa. Nakabimbin ngayon sa reaksyunaryong Kongreso ang mga resolusyon para sa pagpapalawig ng prangkisa ng kumpanya na nakatakdang mapaso sa susunod na buwan.

Mariing pinabulaanan at kinundena ng kumpanya ang mga paratang at hakbang ni Calida na anila’y isang malinaw na tangkang panggigipit ng rehimen.

Nagsimula ang panggigipit sa ABS-CBN nang pagbantaan ni Rodrigo Duterte na ipasasara ito dahil sa hindi umano pag-ere ng kanyang mga patalastas noong eleksyong 2016.

Kung hindi maaprubahan ang prangkisa, nanganganib na magsara ang ABS-CBN at mawalan ng trabaho ang tinatayang 11,000 nitong empleyado.

Noong Pebrero 19, isinumite ng National Union of Journalists of the Philippines sa reaksyunaryong Kongreso ang nalikom nitong mga pirma upang ipanawagan ang kagyat na pagtalakay ng isyu sa Kongreso at pagpapalawig sa prangkisa ang ABS-CBN. Tuwing Biyernes naman ay naglulunsad ang iba’t ibang grupong midya sa iba’t ibang panig ng bansa bilang pagsuporta sa laban ng kumpanya at mga manggagawa nito. Nagsimula ang mga protesta noong Enero 19.

Nitong Pebrero 14, aabot sa 500 empleyado ng kumpanya, mga manggagawa sa midya at tagasuporta ang nagtipon sa harap ng tarangkahan ng ABS-CBN sa Quezon City. Panawagan nilang pigilan ang pagsasara ng kumpanya, ang atake sa mga manggagawa nito at sa karapatan sa malayang pamamahayag.

Hinamon ng NUJP ang reaksyunaryong Kongreso na manindigan at huwag magpabuyo sa rehimen na pagkaitan ang ABS-CBN ng tamang proseso. Anila, atake ito sa karapatan sa pamamahayag lalupa’t nagmumula mismo ang pananakot kay Duterte.

Ayon naman sa Photojournalists’ Center of the Philippines, hindi lamang kawalan ng kabuhayan ang idudulot ng pagsasara ng kumpanya kundi pagsikil sa demokrasya at karapatan ng mamamayan sa impormasyon.

Hinimok naman ng progresibong grupong Altermidya ang mamamayan na manindigan para sa katotohanan at demokrasya. Anila, hindi dapat matakot sa mga kalaban ng kalayaan sa pamamahayag.

Bukod dito, iba’t ibang grupo ng midya at personalidad ang nagpahayag ng pakikiisa sa ABS-CBN. Maraming indibidwal din ang nagpahayag sa social media ng kanilang pagsuporta sa ABS-CBN.

Atake sa ABS-CBN: atake sa kabuhayan at demokrasya