Defend Mindanao, itinatatag
ITINATAG NG KARAPATAN at iba pang progresibong mga grupo ang Defend Mindanao noong Pebrero 12 sa upisina ng Commision on Human Rights sa Quezon City. Isa itong alyansa ng mga organisasyon na nagtatanggol sa mga aktibista at tagapagtaguyod ng karapatang-tao sa Mindanao. Sa harap ito ng walang-habas na paglabag ng mga pwersa ng estado sa karapatang-tao ng mga aktibisita.
Matatandaan na noong Marso 2019, sinampahan ng gawa-gawang mga kasong kriminal ang 468 indibidwal at aktibista sa Caraga at Northern Mindanao. Kabilang sa kinasuhan ang mga lider ng Alliance of Concerned Teachers at Rural Missionaries of the Philippines.
Ipinanawagan ng Defend Mindanao ang pagbasura sa mga kaso at kagyat na pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal. Isa sa mga nanguna sa pagtatatag sa Defend Mindanao si Rep. Eufemia Cullamat, lider-Manobo at kinatawan ng Bayan Muna Partylist.