Iligal na pag-aresto at panghahalughog sa Bicol
Iligal na inaresto ng pinagkumbinang pwersa ng 2nd IB, Military Intelligence Company at Philippine National Police ang apat na residente ng Sityo Tagaytay, Barangay Maglambong, Monreal, Masbate noong Pebrero 10, alas-tres ng madaling araw. Kinilala ang mga biktima na sina Alex Almozara, Jun Betangcor, Gina Almozara at Aljon Alminana na inaakusahan ng mga sundalo at pulis na mga kasapi umano ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Iligal ding hinalughog ang mga bahay ng mga biktima na nagresulta sa pagkasira ng kanilang mga ari-arian at bahay.
Noong Pebrero 9, una nang inaresto ng mga pasista si Vicky Almozara na residente naman ng kalapit na Sityo Cogon sa parehong barangay. Pinaratangan din siyang kasapi ng BHB.
Sa Sorsogon, 70 residente ng bayan ng Barcelona ang pinilit ng militar na sumuko bilang kasapi ng BHB noong Pebrero 15. Sa Matnog at Bulan, nagbahay-bahay ang mga pasista para takutin at pagbantaan ang mga inaakusahan nilang tagasuporta ng rebolusyonaryong kilusan o kamag-anak ng mga Pulang mandirigma. Ginigipit din ang mga aktibista at lider masa na lumalahok sa kilusang masa sa kalunsuran.
Sa Camarines Sur, sinalakay ng mga pwersa ng 505th Provincial Mobile Force, Regional Mobile Force at PNP-Lagonoy ang mga bahay sa Barangay Gubat, Lagonoy noong Enero 30. Kabilang sa hinalughog ang mga bahay nina Emerlita Velasco, Domingo Velasco, Hermina Saor, Manases Casabuena at Roger San Juan. Inaresto ng nag-ooperasyong tropa si San Juan matapos taniman ng ebidensyang granada ang kanyang bahay.