Kabulukan sa loob ng CAFGU sa Ilocos-Cordillera
Nang binuo ang Citizen Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) noong 1987, bahagi ng layunin nito ang pagkaitan ng baseng magsasaka ang Bagong Hukbong Bayan (BHB). Sa halip na tugunan ang problema sa lupa, binuyo ng militar ang mahihirap na magsasaka upang gamitin laban sa kanilang mga kauri. Sapilitang nirekluta at ipinasok sa CAFGU ang ginipit na mga sumurender, na kaluna’y nagiging mga pasista, antisosyal at kontra-mamamayan. Kaakibat nito ang napapabayaang mga sakahan, kabuhayan at maging kanilang mga pamilya.
Ayon sa ilang dating CAFGU sa Ilocos at Cordillera na umalis na sa serbisyo, kapalit ng matinding hirap ay ang halos limos na subsistence allowance (SA) na kanilang natatanggap. Ayon kay “Empoy,” kalahati lamang ng P4,500 na SA para sa 15 araw na duty (panahon ng serbisyo) ang nai-uuwi nila dahil sa napakaraming kaltas. Hawak ng kadreman (regular na sundalong nangangasiwa sa mga CAFGU) ang kanilang sweldo at siya ring kolektor ng mga kaltas. Kabilang sa kinakaltas ay ang kanilang buwanang gastos sa pagkain at multa para sa hindi maayos na pagsusuot ng uniporme, hindi pagdating sa itinakdang oras ng duty, hindi maagang paggising at iba pa.
Maliban pa rito, madalas ay naaantala nang isa hanggang tatlong buwan ang kanilang sweldo. Sa ilang pagkakataon, isang taon na hindi nila natanggap ang sweldo dahil idineposito iyon ng kadreman sa bangko upang patubuan ng interes. Kaya bago pa man ang araw ng suweldo ay patung-patong na ang kanilang utang sa mga kalapit na tindahan. Karaniwan ding ginagamit ang pondo bilang kapital sa negosyong pautang ng kadreman sa mga CAFGU bilang pambayad sa gastos ng kanilang mga anak sa paaralan. Sa ibang kalapit-baryo na may detatsment din, may karanasan na hindi agad ibinigay ang kanilang sweldo dahil lamang sa suspetsang kasabwat ng mga CAFGU ang yunit ng BHB na kumikilos sa lugar.
Inilahad naman ni “Bong” ang pagmamaltrato ng mga kadreman laluna sa mga CAFGU na may mga kapamilyang kasapi ng BHB. Tinatawag silang mga “labang,” (o may bahid). Hindi rin sila pinagkakatiwalaan at laging pinagagalitan. Maging sa hanay ng mga CAFGU ay may pagdududa sa bawat isa. Matindi rin ang panlalait ng mga kadreman sa mga minoryang CAFGU, gaya ng pagtawag sa kanila na “unggoy” at iba pa. May ilang CAFGU rin na nabingi dahil pinaputukan ng baril malapit sa kanilang tenga. Ang mga kababaihang CAFGU naman ay kadalasang pinapaghanap ng pulutan ng mga kadreman kapalit ng paglilibre sa isang linggong duty. May mga pagkakataong biglaan din ang pag-aanunsiyo ng operasyon kaya’t walang kagamitan ang mga CAFGU gaya ng kumot, bakpak at iba pa.
Marami sa kanila ang lulong sa pagsusugal, paglalasing at panonood ng malalaswang pelikula. Bunsod nito, madalas magkaroon ng away sa mga detatsment laluna kapag lasing ang mga CAFGU, at nagagamit pa ang kanilang mga armas laban sa kanilang mga kasamahan.
Nasisira rin ang mga relasyong mag-asawa dahil sa laganap na pakiki-apid ng mga CAFGU sa lugar na malapit sa mga detatsment. Marami ring kaso na pinagsasamantalahan ng mga kadreman ang mga asawa ng mga CAFGU kapag sila ay naka-duty.
Hindi rin lihim sa loob ng mga detatsment ang paggamit at pagbebenta ng droga. Kundi man binibili sa labas ay pinapapasok ng mga kadreman sa loob ng mga detatsment ang kanilang mga kontak upang magbenta ng ipinagbabawal na mga droga gaya ng shabu.
Nagkakalamat din ang relasyon ng mga tribu dahil sa paggamit sa mga CAFGU sa panahon ng mga operasyong kombat at peace and development teams (PDT). Kadalasang ipinantatakot ng mga CAFGU at ng kanilang mga kasamang regular na mapuputol ang bodong (kasunduan sa kapayapaan) kapag sila ay inatake ng BHB sa mga baryo. Sa mga eryang binodngan ipinupwesto ang mga CAFGU na taga-komunidad upang gawing pasibo ang mga residente sa harap ng mga atake sa kanilang karapatan. Sa mga operasyong kombat, pinagagamit ng bonet ang mga CAFGU upang hindi makilala ng mga residente. Madalas ding pagsimulan ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga tribu ang pagmamayabang ng CAFGU ng kanilang armas.
Dahil sa pagtutok sa duty bilang CAFGU, napapabayaan ang kanilang kabuhayan at maging ang kanilang mga pamilya. Sa isang baryo na maraming CAFGU, umaabot sa ilandaang ektarya ng mga bukid ang natitiwangwang. May kapasidad na magprodyus ang erya ng mahigit 400 sakong bigas na dagdag sanang pagkain ng kanilang mga pamilya at buong komunidad. Dahil dito, ang kanilang naaaning palay ay nakakasapat na lamang sa tatlo hanggang apat na buwang konsumo. Kung bibili naman ng bigas sa labas ng baryo o sa mga sentrong bayan, tinatayang umaabot lamang sa dalawa hanggang apat na sakong bigas ang kayang tustusan ng kanilang napakaliit at nakaltasang kita kada buwan. Kung idadagdag pa ang gastos sa pagpapa-aral, pagpapa-ospital at iba pa, kulang na kulang ang kanilang SA. Hindi na rin sila makapunta sa ibang mga baryo laluna kapag sila ay nag-ooperasyon.
Hanggang sa kasalukuyan, dahil sa perwisyong dulot ng mga detatsment ng CAFGU, patuloy pa rin ang paggigiit ng mga komunidad upang tuluyang lansagin ang mga ito. Sa mga baryong matibay ang kapasyahang huwag payagan ang pagtatayo ng detatsment at pagrerekluta ng mga CAFGU sa kanilang lugar ay iisa lamang ang kanilang sagot sa militar: “Hindi namin kailangan ang CAFGU dahil hindi malinis na trabaho ang pagsasamantala sa mga kababayan at pagpapahamak sa tribu.”