Makasaysayang kaso laban sa Red-tagging, isinampa ng IBON
Sa kauna-unahang pagkakataon, nagsampa ng administratibong reklamo noong Pebrero 10 ang IBON Foundation sa Office of the Ombudsman laban sa mga upisyal ng reaksyunaryong gubyerno na nangunguna sa kampanyang Red-tagging ng rehimen.
Kabilang sa mga kinasuhan sina Maj. Gen. Antonio Parlade, Jr., kumander ng Souther Luzon Command; Presidential Communications and Operations Office (PCOO) Usec. Lorraine Badoy; at National Security Adviser Hermogenes Esperon, Jr. Ang tatlo ay mga kasapi ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Pinananagot ng IBON ang mga nabanggit sa pag-abuso sa kapangyarihan at patuloy na pagbabanta sa mga indibidwal at grupong nagtataguyod ng karapatang-tao.
Kabilang sa mga pinakahuling insidente ng lantarang pagbabanta ang pagtawag ni Badoy sa IBON na “prenteng komunista” sa isang programa sa telebisyon noong huling linggo ng Enero. Ito ay matapos pasinungalingan ng IBON ang mga peke at mapanlinlang na datos na ibinandera ng PCOO sa kampanya nitong “Duterte Legacy.” Umani ng malawakang pagbatikos si Badoy dahil imbis na akuin ang pagkakamali at sagutin ang mga katanungan hinggil sa manipulasyon na kanilang ginawa ay pinagbibntangan niya ang IBON na tagasuporta ng Partido Komunista ng Pilipinas. Anang IBON, ipinakikita ng mga atake kung paano pinatindi ng Executive Order (EO) 70, na lumikha sa NTF-ELCAC, ang kampanyang panunupil ng reaksyunaryong estado.
Noong Pebrero 9, nanawagan din ang Commission on Human Rights na ibasura ang EO 70 dahil kinakasangkapan lamang umano ito ng estado para bigyang katwiran ang mga banta at atake laban sa mga aktibista.
Kaugnay nito, nagprotesta noong Pebrero 18 at 19 ang mga kawani ng gubyerno, sa pangunguna ng All Government Employees Unity at Courage, sa Quezon City para ipinawagan ang pagbabasura sa EO 70. Anila, isinasapanganib nito ang buhay ng mga kasapi ng unyon at tinatakot ang mga kawani na magkaisa para itaguyod ang kanilang mga karapatan sa pamamagitan ng pag-uunyon.