P95.3-bilyong utang ng mga kumpanya sa kuryente
Nalantad noong Pebrero 19 na mayroon pang P95.3 bilyong utang sa reaksyunaryong estado ang mga pribadong kumpanya at kooperatiba sa kuryente. Bagamat ilang dekada nang kumikita at dominado ng mga ito ang industriya ng kuryente, bigo pa rin ang POWER Sector Assets and Liabilities Management Corp. (PSALM) na singilin ang mga kumpanya. Ang PSALM ang ahensyang nangangasiwa sa pribatisasyon ng pampublikong mga aset sa nasabing sektor.
Pinakamalaki rito ang P23.9-bilyong utang ng San Miguel Corporation o SMC ng kapitalistang si Ramon Ang, ang ika-walong pinakamayamang indibidwal sa bansa na nakapagtala ng $2.8 bilyong halaga ng pagmamay-ari noong nakaraang taon (o P140 bilyon sa palitang $1=P50). Sumunod naman dito ang P14.9-bilyong utang ng Manila Electric Company o Meralco ni Manuel V. Pangilinan, ikalawang pinakamayaman sa bansa na nakapagtala naman ng $6.6 bilyon (o P330 bilyon). Kontrolado ng SMC ang mahigit sangkapat ng kabuuang suplay ng kuryente sa buong bansa. Kabilang din sa nakapagtala ng bilyun-bilyong utang ang mga kumpanya ng Filinvest group (P3.8 bilyon) ng pamilyang Gotianun at Northern Renewables (P4.19 bilyon) ng pamilyang Garcia.
Labas sa P95.3-bilyong utang ng nasabing mga kapitalista, obligado ang PSALM na maningil ng karagdagang P326.9 bilyon bilang bayad sa napribatisang mga aset. Kabilang sa mga kailangang singilin ang kumpanyang Waterfront Mactan Casino Hotel ni William Gatchalian, ama ng senador na si Sherwin Gatchalian, na nakapagtala ng P87-bilyong utang noong nakaraang taon. Ibinasura na ang konsesyon ng nasabing kumpanya noong Oktubre 2019.
Kung hindi mababayaran ang mga utang na ito pagsapit ng 2026 kung kailan nakatakdang buwagin ang PSALM ay tiyak na ipapasa ng reaksyunaryong gubyerno ang utang ng mga kapitalista sa mga konsyumer sa pamamagitan ng pagtataas ng singil sa kuryente.