Sino ang makikinabang sa Sangley Airport Project?
Kabilang ang Sangley Point International Airport Project sa Cavite City sa mga niratsadang proyekto ng rehimeng Duterte sa ilalim ng programang Build, Build, Build. Pormal na pinasinayaan mismo ni Duterte ang nasabing proyekto noong Pebrero 15, walong buwan lamang matapos niyang i-utos na ilipat sa nasabing paliparan ang lokal na mga pampublikong byahe at pribadong mga operasyong panghimpapawid.
Isinangkalan niya ang sikip at ang tumataas na demand sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa pambansang kabisera para itulak ang ekspansyon ng Sangley Airport sa 1,400 ektaryang eryang reklamasyon sa tabi ng Danilo Atienza Air Base. Magtatayo umano rito ng apat na runway (daanan ng mga eroplano) at terminal na may kapasidad na magbigay ng serbisyo sa 100 milyong pasahero kada taon. Parehong dahilan ang ginamit niya para iratsada ang pagtatayo ng New Manila International Airport (o mas kilala bilang Aerotropolis) sa Bulacan at ng ekspansyon at pribatisasyon ng Clark International Airport sa Pampanga.
Ipatutupad ang proyekto sa balangkas ng “hybrid” o binagong public-private-partnership (PPP) na nangangahulugan na direktang papasanin ng mamamayan ang gagastusin para rito sa porma ng buwis. Tiyak na tatabo na naman ng bilyun-bilyong pondo ang malalaking burgesyang kumprador at burukrata-kapitalista, kasabwat ng imperyalismong China, mula sa engrandeng proyektong pangimprastrukturang ito.
Iginawad ng rehimen noong Disyembre 17 ang P550-bilyong kontrata para sa pagpapaunlad ng Sangley Airport sa konsorsyum na binubuo ng MacroAsia Corp. at China Communications Construction Company Ltd. (CCCC). Walang nakalaban ang konsorsyum na ito sa bidding dahil ito lamang ang nag-aplay para sa nasabing proyekto.
Ang MacroAsia Corp., na mayoryang sapi sa konsorsyum, ay pinamumunuan ng kapitalistang si Lucio Tan, ang ika-anim na pinakamayamang indibidwal sa bansa na nakapagtalaga ng $3.6-bilyong halaga ng pagmamay-ari (o P180 bilyon sa palitang $1=P50) noong nakaraang taon. Pagmamay-ari rin niya ang Philippine Airlines, Asia Brewery, at Fortune Tobacco. Ang mga kumpanyang ito’y pawang notoryus sa marahas na pagbuwag ng mga unyon, iligal na tanggalan ng mga manggagawa at malawakang pagpapatupad ng kontraktwalisasyon at iba pang hindi patas na kaayusan sa paggawa.
Kasosyo ni Tan sa konsorsyum ang CCCC, kumpanyang pag-aari ng gubyerno ng China na sangkot sa napakaraming anomalya. Notoryus ito sa pangangamkam ng teritoryo ng Pilipinas, katiwalian at panunuhol. Gamit ang CCCC, nagsasagawa ang China ng iligal na reklamasyon at naglalatag ng artipisyal na mga isla sa West Philippine Sea. Nagtatayo rito ang China ng mga istrukturang militar para palakasin ang laban nito sa pangangamkam ng teritoryo ng Pilipinas. Resulta ng reklamasyon nito ang malawakang pagkasira ng mga bahura, partikular sa bahaging Zambales at Palawan.
Nalantad din noong 2009 na nakipagsabwatan ang CCCC sa lokal at dayuhang mga kumpanya at nanunuhol sa mga upisyal ng reaksyunaryong gubyerno para mapanalunan ang $150-milyong (P7.5 bilyon) kontrata para sa unang yugto ng Philippines National Roads Improvement and Management Project sa ilalim ng rehimeng Aquino III.