Upisyal ng PNP, patay sa ambus ng BHB-Central Panay

,

PATAY ANG ISANG upisyal ng Philippine National Police (PNP) habang sugatan naman ang tauhan nang tambangan sila ng yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Panay (Jose Percival Estocada Jr. Command) sa Barangay Aglobong, Janiuay, Iloilo noong Pebrero 12 ng hapon.

Kinilala ang napaslang na si Captain Efren Espanto, 29, kumander ng dalawang seksyon ng Reconnaissance Company ng Regional Mobile Force Battalion 6 na nagsasagawa ng operasyong kombat sa erya mula Pebrero 10. Bunsod ng agarang pagkamatay ni Espanto, nawalan ng mando at nagsitakbuhan ang kanyang mga tauhan. Naiwan ang bangkay ng kapitan sa lugar ng labanan at kinabukasan pa ito nakuha. Para pagtakpan ang kahihiyan, pinalabas ng pulisya na dinala pa umano sa ospital si Espanto ngunit idineklarang patay na pagkarating.
Pinasalamatan ng BHB-Panay (Coronacion “Waling-waling” Chiva Command) ang masa na mahigpit na nakipagtulungan para matiyak ang tagumpay ng dagliang ambus.

Quezon. Naglunsad ng armadong aksyon ang BHB-Quezon sa bayan ng San Narciso laban sa PNP noong Pebrero 14. Sa nasabing opensiba, tatlong pulis ang patay at dalawa ang sugatan. Inatake ng BHB ang mga pulis bilang tugon sa walang habas nilang paglabag sa karapatang-tao ng mga magsasaka sa Bondoc Peninsula.

Sorsogon. Isang tauhan ng 2nd Provincial Mobile Force Company ng PNP na nakabase sa Barangay Aquino, Bulan ang sugatan sa operasyong haras na isinagawa ng BHB-Sorsogon noong Pebrero 16.

Upisyal ng PNP, patay sa ambus ng BHB-Central Panay