Walang pangil na deklarasyon laban sa reklamasyon
KASABAY NG PAGPAPASINAYA sa Sangley Airport, nagpahayag ang demagogong si Rodrigo Duterte na ipagbabawal na niya ang anumang proyektong reklamasyon sa Manila Bay ng mga pribadong kumpanya hanggang sa matapos ang kanyang termino. Gayunman, walang pangil ang pahayag na ito sapagkat inamin din niyang wala na siyang magagawa para ipatigil ang mga proyektong naaprubahan na.
Sa partikular, ipinagtanggol niya ang 407-ektaryang proyektong reklamasyon na Manila Bay City of Pearl, isa sa mga susing proyekto na itinulak mismo ni China Pres. Xi Jin Ping bilang bahagi ng Belt & Road Initiative sa Pilipinas. Iginawad ng rehimen ang proyektong ito sa UAA Kinming Group Development Corp., kumpanyang pinamumunuan ni Jose Kho, bilyunaryong Hongkonger na kilalang masugid na tagasuporta at malapit na kaibigan ni Duterte.
Kabilang din sa proyektong naaprubahan na ang kanugnog na 50-ektaryang Harbour Center Reclamation Project ng parehong kumpanya at ng Harbour Center Reclamation Project R-II Builders ng burges kumprador na si Reghis Romero na nasangkot kamakailan sa malawakang tanggalan ng manggagawa sa pyer ng Manila (Basahin ang kaugnay na artikulo sa parehong pahina.)
Ang nabanggit na mga proyekto ay magpapalayas at wawasak sa kabuhayan ng tinatayang 100,000 residente sa Baseco, Parola, Tondo Foreshoreland at Malate.
Bilang tugon, hinamon ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) si Duterte sa isang pahayag noong Pebrero 17 na pumirma ng isang kautusang ehekutibo na mag-uutos na ibasura at ihinto ang lahat ng proyektong reklamasyon sa Manila Bay.
Kasabay nito, nagprotesta at naghain ng reklamo ang mga mangingisda at kasapi ng Pamalakaya sa Office of the Ombudsman laban kay Mayor Lani Mercado-Revilla ng Bacoor City. Nais nilang paimbestigahan ang pagpapahintulot niya sa dalawang mapandambong na proyektong reklamasyon na sumisira sa kalikasan at kabuhayan ng mga mangingisda sa lunsod. Noong Pebrero 21, muling nagprotesta ang Pamalakaya sa Anda Circle, Intramuros para manawagan sa reaksyunaryong lokal na pamahalaan na maglabas ng ordinansa para ipatigil ang mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay.