Kapabayaan ng rehimeng US-Duterte sa pagtugon sa pagsabog ng bulkang Taal

,

Simula Enero 12, tuluy-tuloy ang pagsabog at pagbuga ng nakalalasong usok ng bulkang Taal na nakapagpalikas sa tinatayang milyong residente ng Batangas. Hanggang ngayon, hindi pa nakababalik ang mga nagbakwit sa mga evacuation center at mga tahanan ng kaibigan at kamag-anak sa mga karatig-prubinsya. Umabot sa P3 bilyong piso ang halaga ng pinsala sa agrikultura, karamihan sa subsektor ng pangisdaan. Sa harap ng mga trahedyang ito, nagtuturuan ang mga ahensya ng gubyernong Duterte sa mapagbubuntunan ng sisi.

Pinalalala ng kapabayaan at kainutilan ng rehimen ang kalagayan ng mamamayang apektado ng pagsabog ng bulkang Taal at iba pang sakunang dumaan sa bansa. Walang matinong plano ang rehimen para paghandaan ang pagtama ng mga kalamidad at harapin ang taunang problema ng pagsalanta ng mga bagyo, lindol at maging ng tagtuyot sa bansa na kumikitil sa libu-libong buhay at pumipinsala sa milyon-pisong halagang ari-arian at kabuhayan ng mamamayan. Kitang-kita ito sa mabagal, kapos at disorganisadong tugon ng kanyang gubyerno sa pagsabog ng bulkang Taal.

Kapabayaan at korapsyon

Walong buwan bago ang pagsabog, iniulat na ng Philippine Vulcanology and Seismology (Philvocs) sa rehimeng Duterte ang nakaambang pagsabog ng bulkang Taal. Subalit sa kabila nito, hindi agad itinaas ng rehimen ang alerto sa mga karatig nitong lugar. Kung anu-anong palusot ang ginawa ng rehimen para mangatwiran sa mabagal na pag-abiso sa mamamayan.

Sa unang araw ng pag-alburuto ng bulkan, hindi agad nag-abiso ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at lokal nitong mga ahensya sa mga residenteng naninirahan sa paligid ng Lawa ng Taal. Walang kautusang palikasin ang mga residente kaya kusa silang nagsilikas at nagkanya-kanya sa paghahanap ng lugar para isalba ang kanilang buhay.

Makupad at disorganisado ang pagtugon ng rehimeng Duterte sa pangangailangan ng mamamayang nagbakwit. Kulang na kulang ang serbisyong sosyal at pondo para sa mga apektado. Sa unang linggo ng sakuna, umabot lamang sa P17.2 milyon ang pondong inilaan sa 16,000 pamilyang nasa 300 evacuation center. Katumbas ito ng P35 kada indibidwal para sa pitong araw. Hindi pa kabilang dito ang daanlibong mamamayang nakitira sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan. Nangalap na lamang ang rehimen ng karagdagang pondo mula sa mga pribadong institusyon. Dagdag pa, may mga naiulat na hindi pantay na distribusyon ng pagkain at ibang gamit dahil kulang o walang datos sa kalagayan ng mga evacuation center.

Hindi rin madagdagan ng rehimen ang pondong pangkalamidad para sa Batangas dahil nauna na itong binawasan sa pambansang badyet para sa 2020.

Sabwatan sa pagsasamantala

Walang kahihiyang sinagpang ng mga burukrata ang napakahirap na kalagayan ng mamamayan para mangampanya sa susunod na eleksyon. Naglipana ang mga burukrata sa Batangas upang kunwa’y magbigay ng tulong pero ang totoo’y nagpabango lamang sa mga botante.

Kinundena ng mamamayang apektado ng pagsabog ng Taal ang pakana ng rehimen na magpautang sa mga bakwit. Balak pa nitong pagkakitaan ang paghihirap ng mga Batangueño. Masahol pa, sadya nitong pinagpapaliban ang pagpapabalik sa mga apektadong residente para unti-unting papasukin ang mga dayuhan at lokal na negosyo sa kanilang mga lupain.

Malaon nang isinusulong ng reaksyunaryong gubyerno ang Metro Taal-Tagaytay Development Project (MTTDP-2013) na binuo noon pang dekada 1990. Labinlimang target na proyekto sa paligid ng lawa ang nakaambang ipatupad kapag tuluyan nang mapalayas ang mga residente sa lugar.

Maagang yugto pa lamang ng MTTDP-2013, madugong dinemolis ng mga pulis at bayarang maton ang mga bahay, sakahan at pangisdaan ng mga magsasaka at mangingisdang nakatira sa palibot ng lawa. Matatandaang pinagbawalan ng rehimeng US-Duterte ang mga residente sa palibot ng bulkan na bumalik para isalba ang kanilang mga ari-arian at kabuhayan. Kabaliktaran nito, pinahintulutan ng rehimen ang pagbubukas ng Tagaytay City para sa mga negosyante at turista na nais masaksihan ang pagsabog ng bulkan.

Ginamit din ng imperyalismong US ang pagsabog ng bulkan para mailusot ang pinagsanib na pagsasanay-militar sa pagitan ng mga hukbong panghimpapawid ng US at Pilipinas sa San Fernando Air Base sa Lipa City sa tabing ng pagbibigay ng makataong ayuda.

Pagpupursige at pagsisikap ng sambayanan

Buhay na buhay ang kultura ng bayanihan, pagtutulungan at pagkakaisa ng sambayanang Pilipino sa harap ng kapalpakan ng rehimeng Duterte na tugunan ang pangangailangan ng mamamayan ng Batangas. Isa sa agad na rumesponde ang Serve the People Corps-Southern Tagalog (STPC-ST). Nakipagtulungan ito sa iba’t ibang organisasyon para sa pangangalap ng mga donasyon, paglulunsad ng mga relief operations at pagkuha ng datos sa mga biktima ng sakuna.

Mula sa kanilang pagnanaliksik, iniulat ng STPC-ST na ang tunay na kailangan ng taumbayan ay isang komprehensibong programa at plano para sa paghahanda sa mga kalamidad na tumutugon sa pangmatagalang pangangailangan ng mamamayan. Hindi sasapat ang simpleng mga relief operation, lalo’t kailangan pa rin ng mga apektadong mamamayan ng kabuhayan upang makabangon.

Salungat sa diwa ng bayanihan, nagmamatigas ang rehimeng US-Duterte na makipagkaisa at makipagtulungan sa mga itinuturing nitong kalaban sa pulitika. Mas inuuna ng rehimen ang pakikipaggirian sa kapwa burukrata para mamulitika. Ang mga progresibong organisasyon na kumilos para tumulong sa mga biktima ng pagsabog ng Taal ay tahasang pinagbawalan at binalaan ng mga sundalo at pulis, at mga tauhan ng lokal na gubyerno. Hinarang at kinumpiska ng mga sundalo ang dalang pagkain at iba pang gamit pantulong na dala ng United Methodist Church para sila ang mamahagi. Imbes na tulungan ang mga biktima ng sakuna, nagpatuloy ang paglulunsad ng mga operasyong militar at pulis sa mga larangang gerilya upang sagpangin ang pagkakataong nakatuon ang mga rebolusyonaryo sa pagbibigay ng ayuda at serbisyo sa mga apektado ng sakuna.

Samantala, lagi’t laging itinataguyod ng rebolusyonaryong kilusan ang kapakanan at kagalingan ng masang Pilipino bilang tungkulin nito na unahin ang interes ng mamamayan. Mayroong nakabalangkas na mga plano’t programa ang rebolusyonaryong kilusan upang lutasin at tugunan ang mga hinaing at kahilingan ng masa sang-ayon sa Programa Para sa Pambansa Demokratikong Rebolusyon at 12-Puntong Programa ng rebolusyonaryong gubyernong bayan. Ang pagtulong at pagtugon sa mamamayang apektado o biktima ng kalamidad ay bahagi ng programang ito. Katuwang ang mga yunit ng hukbong bayan at lokal na gubyernong bayan, isinasagawa ng rebolusyonaryong kilusan ang iba’t ibang anyo ng pagsagip at pagstulong sa mamamayang biktima ng sakuna.

Kapabayaan ng rehimeng US-Duterte sa pagtugon sa pagsabog ng bulkang Taal