Kolektibong kumilos upang labanan ang banta ng epidemyang Covid-19

,

Mabilis na lumalaganap ang Covid-19. Ang bagong tipong ito ng coronavirus ay umapekto na sa mahigit 100,000 at pumatay ng mahigit 3,400 mula nang lumitaw tatlong buwan na ang nakararaan sa mahigit 80 bansa. Mayroong tunay na banta ng epidemyang Covid-19 sa Pilipinas, kung saan anim na kaso na ang kumpirmadong kaso kapwa sa mga Pilipino at dayuhan, at may isa nang namatay hanggang noong Marso 6.

Bulnerable ang bayan sa mga epidemya dahil sa kalunus-lunos na kalagayan ng pampublikong kalusugan at sa pangkabuuang panlipunang kalagayan. Pinakadelikadong magka-epidemya sa hanay ng masang anakpawis, laluna sa hanay ng mga manggagawa at mala-proletaryado. Maaari itong kumalat nang mabilis sa daan-daanlibong namumuhay sa siksikang mga barung-barong. Kapos sila sa malinis na tubig at hindi halos naaabot ng pampublikong mga serbisyo tulad ng sanitasyon, pagkolekta ng basura at marami pang iba. May banta ring mabilis na kumalat sa hanay ng mga manggagawa sa loob ng mga pabrikang kadalasa’y di maayos ang kundisyon sa pagtatrabaho.

Halos walang ginawa ang rehimeng Duterte upang tugunan ang banta ng epidemyang Covid-19 sa pambansang saklaw. Malawakan itong tinuligsa dahil sa naantalang pagtugon, partikular, sa pagkakwarintina at iba pang hakbang para bawasan ang interaksyon ng bansa sa China at iba pang bansa.

Sa halip, naging abala ang rehimen sa paglikha ng engrandeng kampanyang publisidad hinggil sa Covid-19. Bigo itong magsagawa ng kongkretong mga hakbang upang tulungan ang mamamayan para pigilan ang pagkalat ng sakit. Walang mga batayang hakbang tulad ng libre at malaganap na pamamahagi ng mga face mask at mga gamit pangkalinisan, at pagsasagawa ng malawakang mga kampanyang sanitasyon. Hinayaan nito ang mamamayan na mag-asikaso sa kanilang mga sarili, na karamiha’y abala sa pagtitiyak ng pagkain at batayang mga pangangailangan, at walang anumang proteksyon para iligtas ang kanilang mga sarili sa sakit.

Ang utos sa PhilHealth na magbigay sa mga benepisyaryo ng kakarampot na P30,000 para sa pagpapagamot sa Covid-19 ay naglalantad lamang ng mga limitasyon nito at kung paano ito nagsisilbi sa mga pribadong ospital na nakatuon lamang sa ganansya. Sa gitna ng banta ng Covid-19, kriminal na pagpapabaya ang pagpaliit ng rehimen sa badyet para sa pananaliksik sa mga kumakalat na sakit. Kulang na kulang ang pondo para sa mga test kit upang mabilis na malaman kung nahawaan ng sakit. Ang hungkag na mga pagtitiyak ni Duterte ay bigong ibsan ang takot ng mamamayan.

Palagiang isinasaalang-alang ng Partido at mga rebolusyonaryong pwersa ang kapakanan ng mamamayan, kabilang ang pampublikong kalusugan. Saan man nakatayo, ang demokratikong gubyernong bayan ay nagsasagawa ng mga kampanya sa kalusugan at nagbibigay ng libreng mga serbisyong medikal. Nagtatayo ito ng mga komite sa kalusugan sa antas-baryo pataas, upang tugunan ang mga usapin sa kalusugan ng mamamayan sa kani-kanilang mga erya at saklaw.

Kung gayon, kaisa ang Partido sa pagnanais ng mamamayang Pilipino na pangibabawan ang banta ng epidemyang Covid-19. Kaisa rin nila ang Partido sa pagbatikos at pagtuligsa sa kainutilan ng rehimeng Duterte at kawalan nito ng kongkreto at wastong mga hakbang upang harapin ang epidemya.

Nananawagan ang Partido sa mamamayang Pilipino na mag-organisa at kolektibong kumilos upang labanan ang banta ng epidemyang Covid-19. Hinihikayat ng Partido ang mga organisasyong masa na magtayo ng libu-libong mga komiteng pangkalusugan sa mga komunidad at pabrika upang magplano ng mga kongkretong hakbang sa kolektibong paglaban sa Covid-19.

Maliban sa paglulunsad ng mga kampanyang edukasyon, maaaring mobilisahin ng mga komiteng ito ang libu-libong mamamayan na magsagawa ng mga kampanyang sanitasyon sa mga komunidad at pabrika, gayundin sa mga paaralan at upisina. Dapat ding ilahad ng mga komiteng ito ang sentimyento ng mamamayan sa gitna ng banta ng epidemya at ng kainutilan ng rehimeng Duterte. Maaaring tumulong sila sa paggiit ng mga praktikal na hakbang sa mga pabrika (tulad ng libreng pamamahagi ng mga gamit medikal at pangkalinisan sa mga manggagawa) at mga komunidad (paggiit ng koleksyon ng basura, akses sa malinis na tubig, libreng pamamahagi ng mga paketeng pangkalusugan, at mga sistemang pangsanitasyon). Bagamat sa mga syudad ang unang banta ng mabilis na pagkalat ng sakit, dapat ding maghanda ang masang magsasaka at kanilang mga organisasyon sa malawak na kanayunan. Doo’y gipit ang kalagayang pangkalusugan, kung saan malalayo ang ospital at walang sapat na serbisyong medikal sa kanilang mga komunidad.

Pinupuri ng Partido ang mga nars, duktor at propesyunal sa kalusugan na silang nasa unahan ng paglaban sa Covid-19. Nanawagan sa kanila ang Partido na palakasin ang kanilang demokratiko at makamasang mga organisasyon. Kaisa ang mga organisasyong pangmasa at mga komiteng medikal, dapat nilang igiit ang dagdag na badyet sa pampublikong kalusugan, laluna sa harap ng kasalukuyang banta ng epidemya.

Ang pagdaragdag ng alokasyon para sa pampublikong kalusugan ay makatutulong sa pagtiyak ng pondo kapwa para sa pagtataas ng sweldo, pagpapaunlad ng mga pasilidad medikal at syentipikong pananaliksik. Dapat nilang labanan ang patakaran ng estado na suporta sa serbisyo-para-sa-ganansya at turismong medikal. Dapat nilang igiit ang pagpapalakas ng mga pampublikong ospital at itigil ang patakarang komersyalisasyon na sumesentro sa pagkamal ng tubo.

Pumatong ang banta ng epidemyang Covid-19 sa malubhang kundisyon ng pampublikong kalusugan ng mamamayang Pilipino. Mayroong malubhang problema ng epidemyang dengue, tuberculosis at iba pang kontrolado at nagagamot nang mga sakit na humahawa sa libu-libo at pumapatay ng maraming Pilipino taun-taon. Ito ang kinahinatnan ng kalunus-lunos na panlipunang mga kalagayan at pagpapabaya ng estado sa kalusugan ng mamamayan.

Hindi kailanman mabibigyan ng prayoridad ang pampublikong kalusugan ng mamamayang Pilipino sa ilalim ng kasalukuyang sistema. Tanging ang isang rebolusyong panlipunan—isang pambansa-demokratikong rebolusyon—ang babaliktad sa kasalukuyang mga kalagayan, at maglalagay sa pampublikong kalusugan at kapakanan ng mamamayan sa tuktok ng mga prayoridad ng estado.

Kolektibong kumilos upang labanan ang banta ng epidemyang Covid-19