Mga pagsasanay-militar ng US at Pilipinas, tuloy sa kabila ng pagpapawalambisa sa VFA
Tuluy-tuloy ang pagsasagawa ng mga pinagsanib na mga pagsasanay-militar sa pagitan ng US at Pilipinas. Sa kabila ito ng pormal na deklarasyon ng rehimen ni Rodrigo Duterte ng pagpapawalambisa ng Visiting Forces Agreement o VFA noong Pebrero 11. Ito ay dahil sa Hunyo pa mawawalan ng bisa ang kasunduan o 180 araw matapos ang pormal na anunsyo. Ito din ay kung sakaling walang ipapasang bago o pinasadahang kasunduang panghalili ang senado. Ang VFA ang kasunduang nagpapahintulot sa mga sundalong Amerikano na walang sagkang maglabas-masok anumang oras saan mang bahagi ng bansa.
Sa darating na Mayo, gaganapin ang taunang Balikatan na lalahukan ng 6,529 tropa ng US, 4,302 Pilipinong sundalo at 44 sundalong Australian. Ang pagsasanay na ito, na lalahukan ng tinatayang 11,000 ang pinakamalaki sa kasaysayan ng VFA mula nang pinagtibay ito noong 1999. Isa ang Balikatan sa 319 pinagsanib na pagsasanay-militar na nakatakdang ganapin ngayong 2020. Mas marami ito kumpara sa 281 na ginanap noong 2019.
Noong Enero 26-Pebrero 23, ginanap ang Balance Piston-20-1, isang pagsasanay na nilahukan ng US Army 1st Special Forces Group at ng 18th Special Forces Company ng Philippine Army. Tutok ng naturang pagsasanay ang pagpapaunlad ng mga taktikang “kontra-insurhensiya” ng AFP. Binigyang diin nito paggamit ng mga programang serbisyo para sa mga operasyong militar at pagkuha sa suporta ng mga lokal na komunidad. Noon ding Pebrero, inilunsad ang Bilateral Air Contingent Exchange–Philippines sa Clark Air Base sa Pampanga at San Fernando Air Base sa Batangas. Ang taunang pagsasanay ay isinasagawa ng mga hukbong panghimpapawid ng dalawang bansa.
Ginagamit ng US ang Balikatan at iba pang pagsasanay-militar para direktang makalahok ang mga tropa ng US sa mga operasyong militar sa loob ng bansa. Sa tabing ng “interoperability,” tinitiyak nitong mananatili sa kontrol ng US ang buong makinarya ng AFP.