Julius Giron, lider-PKP at 2 pa, pinaslang sa Baguio City
Minasaker ng pinagsanib na pwersa ng militar at pulisya sina Julius Giron (Ka Nars), kanyang duktor na si Ma. Lourdes Dineros Tangco, at kasama sa bahay na si Arvie Alarcon Reyes dakong alas-3 ng madaling araw noong Marso 13 sa Barangay Queen of Peace, Baguio City.
Isang malaking kasinungalingan ang sinasabi ng militar na naghahapag lamang sila ng arrest warrant at na “nanlaban” ang tatlo kaya sila pinaslang. Nagpapagaling lamang noon si Ka Nars, edad 70, sa kanyang nararamdamang mga sakit na dulot na ng katandaan.
Isa si Ka Nars sa matatatag na myembro ng Komite Sentral at ng Kawanihan sa Pulitika (Politburo) ng Partido. Susi siya sa muling pagbubuo ng pamunuan ng PKP at sa paglulunsad ng makasaysayang kongreso nito noong 2016. Isa siya sa maniningning na halimbawa sa walang pag-iimbot na paglilingkod sa mamamayan. Ipinagluluksa ng buong rebolusyonaryong kilusan ang kanyang pagkamatay.