Ka Lori: Ang pag-ibig ng isang inang mandirigma
Inspirasyon ang mga babaeng mandirigma, laluna ang mga ina, para sa kababaihan na lumaban at palayain ang sarili. Isang halimbawa nito si Ka Lori na nagsisilbing ina at kasama sa isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan sa Bicol.
Masakit mang iwan ang kanyang mga anak, nagpasyang sumapi sa hukbong bayan si Ka Lori noong 2018 sa edad na 47. Malalaki na ang karamihan ng kanyang mga anak, bagamat pitong taong gulang pa lamang ang kanyang bunso. Tanggap nila ang kanyang desisyon na buong panahon na magsilbi sa hukbo. Hindi sila nanibago dahil dati nang lumalahok sa mga aktibidad ng komunidad ang kanilang ina bilang myembro ng sangay ng Partido sa lokalidad. Ang paghahangad para sa isang mapagkalingang lipunan para sa kanyang mga anak at apo ang nagtulak sa kanya na lumahok sa armadong pakikibaka.
“Nakita kong ito ang maaasahan namin. Ito ang gubyerno ng mahihirap,” aniya.
Nagmula si Ka Lori sa uring magsasaka. Pangunahing ikinabubuhay niya at kanyang pamilya ang pagkokopra. Kumikita lamang siya nang halos P150 sa pagtatanggal ng bunot ng isanlibong niyog, mas mababa nang kalahati kumpara sa ibinabayad sa mga lalaking magkokopra. Kulang na kulang ito para sa kanilang mga gastos sa pagkain at ibang batayang pangangailangan.
Dahil dito, kinailangan niyang maglako ng mga gulay at isda sa kalapit na mga baryo. Pinagkakasya niya ang kakaarampot niyang kita sa pinakabatayang pangangailangan ng kanyang pamilya. Ibabawas pa rito ang pambayad sa mga utang. Halos mag-isang itinaguyod ni Ka Lori ang kanyang mga anak dahil sa mga hindi pagkakaunawaan sa ama ng kanyang mga anak.
Solong itinaguyod ni Ka Lori ang kanyang pamilya. Naging katulong niya sa paghahanapbuhay ang kanyang mga anak. Lima sa kanyang mga anak ay nakipagsapalaran sa Maynila, kahit sila’y wala pa sa edad para magtrabaho. Labis ang pag-aalala at pagkabahala ni Ka Lori dahil dito.
Nang nasa hukbo na, inilagay si Ka Lori sa gawain sa suplay at kusina. Marami na rin siyang ibang mga tungkulin na ginampanan sa dalawang taong pagiging Pulang mandirigma. Nakapagbigay na siya ng mga pag-aaral, nakapamuno sa mga pagpupulong at mulat na nagbibigay suporta sa mga kasama niya sa yunit.
Naging inspirasyon si Ka Lori ng kanyang mga anak para sumapi rin sa BHB. Ilang buwan matapos magpultaym si Ka Lori ay sumunod ang anak niyang si Ka Tom. Galing si Tom sa Maynila kung saan namasukan siya bilang kontraktwal na manggagawa sa konstruksyon. Sa sumunod na taon, sumapi naman si Ka Ali, na mula naman sa pagtatrabaho sa babuyan sa Pampanga. Bagaman mag-iina ay nagsusumikap silang bakahin ang pyudal na relasyon.
Litaw ang mapagkasamang pagturing ni Ka Lori sa kanyang mga anak sa pagrespeto niya sa kanilang mga desisyon. Bagaman mayroong pangamba, sinusuportahan niya ang dalawa niyang anak na gumampan ng mga gawaing nakaatas sa kanila. Kabilang na rito ang mga gawaing militar, pagsasanay at gawaing masa sa ibang erya na malayo sa kanya.
Higit sa kapamilya, kasama ang pangunahing turing nila sa isa’t isa at katuwang sa pagpapalakas ng hukbong bayan. Hindi nakaliligtas ang dalawa sa mga puna ng kanilang ina at gayundin si Ka Lori mula sa kanyang mga anak. “Yung kulturang nakuha sa labas (ng kilusan), unti-unting baguhin at sumunod sa mga patakaran ng hukbo,” laging payo niya sa kanyang mga anak. Nagpapakita sila ng kalinga sa isa’t isa katulad ng suportang ibinibigay sa ibang kasapi ng hukbo. Hinihikayat nila ang iba pa nilang kapamilya na sumapi rin sa hukbong bayan.
May mga pagkakataong inaalala ni Ka Lori ang mas bata niyang mga anak. Bagaman nalulungkot sa ganitong mga pagkakataon, batid naman niyang inaalagaan sila ng mga myembro ng Partido sa kanilang lokalidad.
Suportado ng sangay ng Partido ang kanyang pamilya. Nakapagbibigay ito ng kaunting suportang pinansyal para sa mga gastusin at kagyat na pangangailangan ng mga anak. Gayundin, pinaghahandaan at inaasikaso ng yunit ng BHB na kanyang kinabibilangan ang pagkontak sa pamilya at pagbisita sa kanila. Mensahe ni Ka Lori sa kanyang mga anak, “para sa inyo itong ginagawa ko…. para sa kinabukasan ninyo.”