FEATURE | Mga Kuwentong lockdown

,

Hindi lamang ang mamamayan sa Kamaynilaan ang dumaranas ng pahirap dulot ng militaristang lockdown. Kabilang din ang mga prubinsya at syudad sa labas ng National Capital Region, sa Visayas at Mindanao na nagpataw din ng lockdown upang masawata diumano ang pagkalat ng pandemyang Covid-19.

Saan man sa bansa, laganap ang mga kwento ng kagutuman na lalupang nagpalubha sa paghihikahos ng mamamayan. Ipinakikita sa kongkretong karanasan ng mga tao ang kabulukan ng gubyernong Duterte sa iba’t ibang antas. Gayunpaman, sa gitna ng iba’t ibang krisis na ibinunga ng pandemya, yumabong ang malasakit sa kapwa at pagdadamayan ng mamamayang Pilipino.

Tinipon ng Ang Bayan ang ilan sa mga kwentong lockdown.

Sangkalan sa kontrainsurhensya

Pinangakuan ng pamprubinsyang gubyerno ng Bukidnon ng tig-isang sakong bigas at tig-isang karton ng delata ang 100,000 pamilya, kabilang ang 15,000 pamilyang Lumad sa buong lalawigan. Nagkakahalaga ang mga ito ng P700 milyon. Pero magtatapos na ang lockdown, ni isang latang sardinas ay walang natanggap ang mga residente ng 25 barangay at komunidad ng Lumad sa Cabanglasan at San Fernando na kabilang sa itinuturing ng AFP na mga base ng BHB.

Bago kumalat ang pandemya, ang mga lugar na ito ang prayoridad ng NTF-ELCAC para umano’y buhusan ng serbisyo at proyekto upang diumano’y ilayo sa impluwensya ng BHB.

Malubha pa rito ay pinagbabawalan ang mga residente na magtrabaho sa abakahan o pumunta sa bukid upang kumuha ng kamote.

Ganito rin ang kaso sa Abra at Sorsogon. Sa Abra, tinutukan ng baril ng mga sundalo ng 24th IB ang isang magsasaka na naghahanap ng maiuulam. Ang isa pa’y hinuli dahil nagpastol ng kalabaw.

Sa Sorsogon, iginiit ng 31st IB na umookupa sa isang barangay sa Bulusan na sila ang mamahagi ng mga relief goods na nakalap ng mga upisyal ng barangay. Binalak din ng militar na kunan ng litrato ang bawat makatatanggap ng ayuda. Hinuli rin ng militar ang isang magsasaka na pumunta sa kanyang bukid upang maghukay ng halamang-ugat.

Kupit-19” at iba pang korupsyon

Kwentuhan ng magkapitbahay sa isang komunidad ng maralitang lunsod:

P8,000 sabi ni Presidente. P5,000 pagdating kay Gov. P3,000 pagdating kay Barangay Chairman. P1,000 pagdating kay Kagawad. Pagdating sa amin ay dalawang de-latang sardinas na lang!

May mga lokal na pamahalaan naman na nag-inisyatibang mamigay ng ayudang pagkain mula sa kanilang pondo. Ngunit pagdating sa barangay, tila may paboritismo ang mga namimigay ng tulong. Kung tauhan ka ni Meyor, Barangay Chairman, ni Kagawad o ng Purok Leader, siguradong mayroon kang pitong kilong bigas, pitong de-latang sardinas, maraming pakete ng gatas at noodles.

Ngunit kung hind nila kalapit o kakilala, pasalamat na kung makatatanggap ng tatlong kilong bigas, dalawang de-latang sardinas at tatlong paketeng noodles. May mga nakatanggap ng mas kaunti pa dito.

Sa isang bayan sa Camarines Sur, ang unang paabot galing sa munisipyo, ang P5,000 na para sa bawat senior citizen ay binawasan na ng P1,400. Katwiran ng mga upisyal sa bayan, ipinambili na daw ng gamot, bigas at sardinas na siyang ipangri-relief para sa mga senior citizen. Pero wala silang natatanggap alinman sa mga iyon.

Bulalas ng isang lola, “Pati Kupit-19 lumalaganap!

Kinabukasan, hindi na raw lahat ng mga senior ang mabibigyan. Pipiliin na lang kung sino. Pero lahat sila, pinapirma. Sabi pa sa munisipyo, ang magreklamo ay ikukulong.

Hindi na rin bibigyan ng ayuda ang mga nakatatanda na may mga anak na nagtatrabaho o kung kasama nila ang kanilang mga anak na nagtatrabaho, kahit pa ang mga anak nila ay wala ring hanapbuhay

Samantala, may mga pay-out pa sa 4Ps sa mga nakaraang buwan na hindi ibinibigay.

Marami rin ang hindi nakatanggap ng ayuda kahit malinaw na mahirap pa sila sa daga. Ito umano ay dahil hindi sila nakalista sa sensus ng DSWD noong 2015. O basta na lamang sagutin sila na “nawala” ang lista. Hindi rin nabibigyan ang mga nagtatrabaho sa mga grocery, bangko at ibang establisyemento sa syudad na hindi residente pero mga nangungupahan sa mga boarding house ng dahil sa katangian ng kanilang trabaho.

Meron ding nagrereklamo sa lokal na istasyon ng radyo na pinapabayaran ng Barangay Chairman ng P50 hanggang P100 ang bawat “barangay quarantine pass” na iniisyu.

Kolektibong tugon

Dahil sa lubhang kulang ang tulong mula sa lokal na gubyerno, nag-inisyatiba ang samahan ng motorela (traysikel) sa Malaybalay City na mangalap ng materyal na tulong tulad ng bigas, delata, kape at noodles para sa kanilang 300 myembrong napilitang tumigil sa pagpasada dahil sa lockdown.

May ilang magkakapitbahay din sa isang purok ang gumawa ng gardening sa ilang bakanteng lote para may matanim na mga gulay. Ang problema lang ay wala silang mabibiling binhi dahil sarado ang binibilhan at ang iba ay walang pambili nito.

May isang relihiyosong grupo na dalawang beses nang namigay ng tulong sa kanilang mga myembro. Ang una ay mga ayudang pagkain tulad ng tatlong kilong bigas, gatas, kape at noodles, at ang ikalawa ay tig-isang libong piso ang ibinigay sa kada myembro.

Sa kanayunan ng Southern Negros, isang yunit ng BHB ang naglunsad ng mga talakayan hinggil sa mga maaaring idulot ng pandemyang Covid-19. “Corona, Kuraw na,” tuligsa ng isang kasama sa makupad na aksyon ng gubyernong Duterte.

Inirereklamo ng mga magsasaka’t sakada ang limang kilong bigas, anim na delatang sardinas at isang kilong bihon na kahit doblehin ay hindi makasusustine sa pangangailangan ng kanilang mga pamilya. Wala ring pinansyal na ayuda.

Samantala. naglalatag ng plano ang mga rebolusyonaryong organisasyon hinggil sa produksyon ng pagkain, dahil hindi sila umaasa ng anuman sa militaristang solusyon ng rehimeng Duterte.

FEATURE | Mga Kuwentong lockdown