Dating kongresista at mga boluntir, inaresto sa Bulacan
INARESTO NG MGA pulis sina Ariel Casilao, dating kinatawan ng Anakpawis Partylist, at 12 iba pang boluntir at residente sa Norzagaray, Bulacan noong Abril 19. Nakatakdang mamahagi sina Casilao at kasama niyang limang boluntir ng ayuda para sa mga magsasaka nang harangin sila sa isang tsekpoynt dakong alas-10:15 ng umaga.
Dinala sila sa istasyon ng pulis sa Norzagaray kasama ng pitong residente na tatanggap sana ng ayuda. Matapos ibimbin nang dalawang oras, inihatid at idinetine sila sa Bulacan Police Provincial Office sa Malolos. Inakusahan silang nagbabalak magsagawa ng rali at sinampahan ng kasong sedisyon.
Ipinapakita ng pag-aresto ang baluktot na prayoridad ng rehimen sa panahon ng pandemya, at kawalan nito ng pakialam sa pagdarahop ng mamamayan. Ito ay kagagawan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na pinamumunuan ng mga heneral ni Duterte.